Home NATIONWIDE PBBM binigyang-diin kahalagahan ng malayang pamamahayag, paggalang sa isa’t isa

PBBM binigyang-diin kahalagahan ng malayang pamamahayag, paggalang sa isa’t isa

1
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Martes ang kahalagahan ng malayang pamamahayag sa isang demokrasya o demokratikong bansa.

Kasabay nito, hinimok ng Pangulo ang pamahalaan at media na panatilihin ang paggalang sa isa’t isa at bukas na pag-uusap kahit may mga pagkakataong hindi sila nagkakasundo.

Sa kanyang talumpati sa panunumpa sa tungkulin ng mga bagong halal na opisyal ng Malacañang Media Groups, kabilang ang Malacañang Press Corps, Presidential Photojournalists Association at Malacañang Cameramen Association, sinabi ng Pangulo na iisa ang layunin ng administrasyon at media ang maglingkod sa publiko.

“Lagi kong pinahahalagahan ang importansya ng pamamahayag sa ating demokrasya,” aniya.

“Maaaring hindi tayo palaging nagkakasundo, pero hindi ito nangangahulugang magkaaway tayo. Pagkatapos ng lahat, iisa ang ating pinaglilingkuran, ang publiko,” ani Pangulong Marcos.

“Kaya naman, dapat manatiling nakabatay sa paggalang sa isa’t isa at bukas na pag-uusap ang ating ugnayan,” dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Marcos na mula pa noong unang taon niya sa puwesto ay nagkaroon na siya ng pagkakataong mangasiwa sa panunumpa sa tungkulin ng mga opisyal ng Malacañang Media Groups.

Malugod ding tinanggap ng Pangulo si Acting Secretary Lino Cayetano sa Presidential Communications Office (PCO), na kamakailan ay itinalaga upang pumalit kay Acting Secretary Dave M. Gomez.

“Tiyak akong malugod siyang tatanggapin ng ating mga kaibigan sa media, gaya ng nakasanayan nila at marami ring tanong ang naghihintay sa kanya,” ani Pangulong Marcos.

Binati rin ng Pangulo sina Ivan Mayrina ng Malacañang Press Corps at Noel Pabalete ng Presidential Photojournalists Association sa kanilang ikalawang termino bilang mga pangulo ng kani-kanilang organisasyon.

Binati rin niya si Rolly Demawalo sa pagkakahalal bilang Pangulo ng Malacañang Cameramen Association.

“Tiwala akong patuloy ninyong itataguyod, kasama ang inyong mga kapwa opisyal, ang propesyonalismo at kalayaan sa pamamahayag,” pahayag ni Pangulong Marcos. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here