MANILA, Philippines – Masusing titingnan ng Senado ang halos P200 bilyon na iniulat na realignment na ginawa ng Kamara sa panukalang P7.2 trilyon na pambansang budget para sa 2027.
Ito ang sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian nitong Martes, isang araw matapos ipasa ng Kamara ang General Appropriations Bill.
“Malaki-laki rin yung amount. Almost P200 billion rin yung lumipat sa loob ng budget, P199 to be exact. So titignan namin mabuti yan at titignan rin natin ng maigi kung bakit ganun kalaki ang realignment,” sabi ni Gatchalian sa panayam sa DZRH.
Binanggit ni Gatchalian ang mga ulat ng pagbabawas sa budget ng mga foreign-assisted project tulad ng Metro Manila Subway at mga railway.
Ayon sa kanya, ang ilan sa mga inalis na pondo ay inilipat sa medical assistance at Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.
“Itong mga project na ito, importante rin dahil yung medical assistance, tumutulong sa tao, yung assistance to individuals in crisis nakakatulong din sa tao pero babalansehin din natin dahil importante rin ang infrastructure projects,” ani Gatchalian.
“So babalansahin rin natin na hindi naman nasa sacrifice yung mga ibang proyekto. So titignan natin kung itong paglipat ay karapat-dapat ba,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng mga infrastructure project.
Sinabi niyang sususuriin din ng Senado ang mga realignment sa budget ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
“Titignan din namin yung mga DPWH realignments. May nakita rin kami ang mga DPWH realignments. So pag-aaralan din at titignan din kung ito ay tama ba o sang-ayon ba ito sa mga feasibility studies,” paliwanag niya.
Nagsimula na ang Senado ng budget hearings sa committee level at target na simulan ang plenary deliberations pagsapit ng katapusan ng Nobyembre.
Ani Gatchalian, ang orihinal na plano ay magsimula sa Nobyembre 9, pero naurong ito para bigyang-daan ang pagpapakita ng ebidensya ng depensa sa kasalukuyang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“Pero kaya pa naman base sa kalendar. Magsasacrifice lang nga yung Pasko,” sabi ni Gatchalian nang tanungin tungkol sa target ng Senado na maipasa ang 2027 budget. Ernie Reyes