Home NATIONWIDE PBBM bukas sa pagbabawal ng social media sa kabataan

PBBM bukas sa pagbabawal ng social media sa kabataan

1
0

MANILA, Philippines – Bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga rekomendasyon na ipagbawal ang Facebook at iba pang social media platforms na maaaring makaimpluwensya sa kabataan na gumawa ng mapanganib o marahas na gawain, ayon sa Malacañang.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nais ng Pangulo na alisin o limitahan ang anumang gaming o social media platform na mapatutunayang nakasasama sa kabataan at sa bansa.

Kasunod ito ng pahayag ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center na pinag-aaralan ang posibilidad na irekomenda ang pagbabawal sa Facebook matapos ang nakamamatay na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University.

Ayon kay Castro, kailangan ding suriin kung nakatutulong sa pagkalat ng fake news ang kawalan ng sapat na pananagutan ng ilang social media platforms. Kung mabagal ang kanilang pagtugon sa mga problemang ito, maaari umanong pag-aralan kung dapat pa silang manatili sa bansa.

Gayunman, nilinaw ni Castro na ang posibleng pagbabawal sa mapanganib na platforms ay hindi nangangahulugang paghihigpit sa kalayaan sa pamamahayag. Aniya, iba ang fake news sa simpleng pagpapahayag ng opinyon o pagiging kritiko ng gobyerno.

Samantala, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na may online search history umano ang suspek sa Ateneo de Zamboanga shooting na tumutukoy sa mga website na naglalaman ng hate speech, nihilism, anti-Semitism at anti-LGBT content.

Ayon kay Remulla, posibleng naimpluwensiyahan ang suspek ng mga online group na nagtataguyod ng poot, karahasan at kaguluhan, kabilang umano ang mga chat group sa larong Roblox. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here