Home HOME BANNER STORY PBBM: Cabinet performance review, isinasagawa na; balasahan posible

PBBM: Cabinet performance review, isinasagawa na; balasahan posible

MANILA, Philippines- Isiniwalat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isinasagawa na ng kanyang administrasyon ang ‘performance review’ para sa mga miyembro ng kanyang gabinete.

Nagbadya rin ang Pangulo ng potensiyal na pagbabago base sa resulta ng ebalwasyon.

Sa premiere episode ng kanyang “BBM Podcast”, umere, araw ng Lunes, sinabi ni Pangulong Marcos na ang pagrerebisa at pagsusuri ay bahagi ng patuloy na pagsisikap na i-assess ang government performance at alisin ang ugat ng kawalan ng kakayahan at korapsyon partikular na at papasok na ang kanyang administrasyon sa second half nito.

“Maganda naman ang takbo pero performance review,” ayon sa Pangulo.

“All of these things … titingnan namin, bakit mabagal, ang baba ng serbisyo. Anong gagawin natin para pabilisin? ‘Yun ang importante,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.

Nang tanungin kung may Cabinet officials ang nanganganib na masibak, sinabi ng Pangulo na nagpapatuloy pa ang pagrerebisa na maaaring humantong sa pagsibak o legal action, depende sa matutuklasan.

“Baka mangyari ‘yan. Dito nga sa ginagawa naming performance review. Iyon ang warning ko sa kanila,” aniya pa rin.

Samantala, idinepensa naman ni Pangulong Marcos ang kanyang atake sa pagharap sa mga tiwaling opisyal, sabay sabing may ilan na siyang sinibak sa pwesto ng walang pag-aatubili.

“Sa nakaraang dalawang taon, three years, basta’t may report kami na validated, tanggal ‘yan. Hindi na namin ina-announce pero tanggal ‘yan. Kadalasan,” ang sinabi ng Pangulo. Kris Jose