Home NATIONWIDE PBBM ‘di makikialam sa impeachment process ng Kongreso

PBBM ‘di makikialam sa impeachment process ng Kongreso

MANILA, Philippines – HINDI makikialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa impeachment case na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.

Ang katuwiran ni Executive Secretary Lucas Bersamin, “sole prerogative” ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang usaping ito.

“The power to initiate and act on impeachment complaints is the sole prerogative of the House of Representatives,” ang sinabi ni Bersamin.

“Out of respect for institutions, the President will not interfere in a matter over which a co-equal branch has exclusive jurisdiction,” aniya pa rin.

Nauna rito, sinasabing ipapasa na ang tatlong impeachment complaints laban kay VP Sara sa Office of the Speaker ngayong linggo.

Ito ang sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na kung saan ay nakatakdang magtapos ang sesyon ng Kamara sa Biyernes, Pebrero 7, at nakatakdang magbalik sa Hunyo 2 na.

Nauna nang sinabi ni Velasco na ilang miyembro ng Kamara ang humingi ng sapat na oras sa kanya para makapaghain pa ng ika-apat na impeachment complaint.

Nang tanungin naman kung wala nang pag-asa ang ikaapat na impeachment complaint, sinabi ni Velasco na.

“Hindi naman kasi nga anytime, one-third of the members can endorse it, can sign a complaint in my presence, and then diretso ‘yon sa Senate. Hindi na daraan sa Committee on Justice.”

Nasa 103 miyembro ng Kamara ang dapat na mag-endorso ng impeachment complaint para ito ay maipadala naman sa Senado. Makalipas nito ay ang Senado naman ang magdedesisyon at magsisilbing impeachment court.

Kung mangyari ito, hindi na kailangan para saHouse Committee on Justice na magsagawa ng mga pagdinig para sa impeachment complaints.

Bilang tugon, nilinaw ni Bersamin na ipinahahayag lamang ni Pangulong Marcos ang kanyang posisyon at hindi niya ito hinahadlangan.

Naniniwala kasi si Pangulong Marcos na ang pagpapatalsilk kay VP Sara mula sa kapangyarihan ay hindi magbebenepisyo sa buhay ng mga Pinoy. Kris Jose