MANILA, Philippines – Malamig si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gamitin ang foreign reserves ng Pilipinas para mapigilan ang pagbaba ng piso.
Sa panayam ng Bloomberg kay Pangulong Marcos, sinabi nito na may hangganan din ang mga puwedeng gawing hakbang ng gobyerno para palakasin ang piso dahil hindi rin naman aniya makokontrol ang dolyar sa gitna ng labanan sa Gitnang Silangan.
Nauna rito, bahagyang nakabawi ang piso sa palitan kontra dolyar na nasa P59.95, araw ng Martes, isang araw makaraang sumadsad sa pinakamababang halaga sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sa kabilang dako, sinabi ni Pangulong Marcos na nananatiling posibilidad ang pagiging grounded o hindi pagbyahe ng local airline company bunsod sa pagnipis ng suplay ng jet fuel dahil pa rin sa gulo sa Gitnang Silangan.
Sinabi pa rin ng Pangulo na may mga bansa na ang nag-abiso na hindi nila masu-suplayan ang mga nasabing airline at batid niyang isang malaking usapin ito para sa may mahabang byahe.
Sa ulat, nag-anunsyo ang Cebu Pacific ng pagbabawas ng byahe sa gitna pa rin ng sigalot sa Gitnang Silangan na nagtulak pataas ng presyo sa langis. (KRIS JOSE)