Home NATIONWIDE PBBM: Flood control ‘di umepekto sa bumarang basura

PBBM: Flood control ‘di umepekto sa bumarang basura

199
0

MANILA, Philippines- Umapela si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na itapon nang maayos ang mga basura, kasabay ng paglalahad niyang hindi gumana nang maayos ang flood control infrastructures ng pamahalaan dahil sa bumarang basura sa mga ito.

Ito ang inihayag ni Marcos nang magsagawa ito ng ocular inspections sa mga lugar sa Metro Manila na binaha dahil sa pananalasa ni Super Typhoon Carina at pinalakas na southwest monsoon nitong Huwebes, Hulyo 25.

Sa isang panayam sa Navotas, sinabi ng Pangulo na na may sapat na pumping stations sa Camanava area subalit bumara rito ang mga basura dahilan upang hindi gumana nang maayos ang imprastraktura.

Dahil dito, umapela si Marcos sa publiko na ugaliin ang wastong pagtatapon ng basura.

“Yung pumping stations natin marami na. Nagkaproblema lang,” pahayag ng Pangulo.

“Sana matuto naman ang tao. ‘Wag kayong nagtatapon ng basura dahil ang basura yun ang nagbara doon sa mga pump natin kaya hindi kasing effective na pwede,” dagdag niya.

Binanggit pa ng Pangulo na isa ang climate change sa mga rason sa pagbaha sa ilang lugar sa bansa.

“Mas malaki ang baha, mas maraming nabaha na lugar kesa panahon ng Ondoy,” wika niya, tinukoy ang Bagyong Ondoy na nanalasa sa bansa noong 2009.

“Mas marami tayong flood control ngayon kesa noon. Pero, climate change. This is what the effects of climate change are,” patuloy ni Marcos.

Sa kabila nito, bukas si Pangulong Marcos sa pagsusuri sa disensyo ng pumping stations sa bansa.

“Marami ng flood control [projects] pero nasapawan sa dami ng tubig. So we have to reexamine some of the designs of our flood control,” giit niya. RNT/SA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here