MANILA, Philippines – Pinaubaya na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagpapasya kung gagawing bukas sa publiko ang imbestigasyon hinggil sa maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ginagalang ng Pangulo ang kalayaan ng ICI.
“Noon pa po sinabi ng Pangulo na itong ICI ay isang independent commission,” ayon kay Castro.
“So, kung ano po ang kanilang magiging polisiya at ang kanilang magiging procedure po doon ay igagalang po ng Pangulo at hindi po manghihimasok ang Pangulo dahil sila po ay independent body or komisyon,” aniya pa rin.
Inihayag ito ni Castro sa gitna ng panawagan na gawing bukas sa publiko ang pagdinig ng ICI sa flood control mess upang masiguro ang ‘transparency at accountability.’
Matatandaang, nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Executive Order 94 hinggil sa pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure o ICI.
Binuo ang Independent Commission para imbestigahan ang mga iregularidad at korapsyon sa mga flood control at iba pang infrastructure projects ng pamahalaan sa loob ng nakalipas na sampung taon.
Ang Komisyon ay binubuo nina retired Supreme Court Justice Andres Reyes Jr., bilang Chairman ng ICI, kasama sina dating Public Works Secretary Rogelio ‘Babes’ Singson at SGV & Co. executive Rossana Fajardo bilang mga miyembro.
Inanunsyo ni Pangulong Marcos si Philippine National Police chief Rodolfo Azurin Jr. bilang bagong special adviser and investigator ng ICI, pinalitan ni Azurin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong. (KRIS JOSE)