MANILA, Philippines – “Reforming our government is the only way we have to win back the trust of our people.”
Binigyang diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. , araw ng Martes ang commitment ng kanyang administrasyon na walisin ang korapsyon at i-promote ang ‘principled leadership’ sa lahat ng antas ng pamamahala.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa oath taking ceremony ng League of Vice Governors of the Philippines (LVGP) na isinagawa sa Palasyo ng Malakanyang, kinilala ng Pangulo na ang tunay na serbisyo ay hindi inilalarawan sa pamamagitan ng political affiliation kundi sa pamamagitan ng sinseridad, askyon at pananagutan.
“Patunayan natin na wala sa kulay ng politika ang tunay na paglilingkod. Ito ay nasa puso, nasa konsensya, at higit sa lahat, nasa gawa,” ayon kay Pangulong Marcos.
Pinaalalahanan ng Pangulo ang mga opisyal na ang public service ay may kasamang tungkulin na panindigan ang integridad at maghatid ng tunay na reporma na tutugon sa pangangailangan ng mga tao.
“Tandaan natin: Ang bawat posisyon ay may kaakibat na tungkulin at responsibilidad. Responsibilidad na itaguyod ang makabuluhang pagbabago sa inyong mga lalawigan,” ang tinuran ng Pangulo.
Sa kabilang dako, tanggap ng Pangulo ang pagkadismaya ng mga ordinaryong mamamayan sa mahinang pamamahala.
Marami rin aniyang mga mamamayan ang nakaramdam ng hirap sa kasalukuyang problema sa public service at dismayado sa hindi natupad na pangako na reporma.
Winika ng Pangulo na ang malawakang pagkabigo ang nagpag-apoy sa galit ng mga tao, isang sentimyento na kailangang harapin ng gobyerno na may pagpapakumbaba at mapagpasyang aksyon.
“Dismayado ang maraming Pilipino dahil sa mga patong-patong na isyung lumulunod sa kanila araw-araw,”ang tinuran ng Pangulo.
“Let us not dismiss that anger. Let us confront it. Let us be humbled and provide concrete solutions. Alam naman natin ang mga mali, kaya dapat nating itama.” aniya pa rin.
Sa kabila ng mga hamon na ito, nagpahayag naman ng kumpiyansa si Pangulong Marcos sa kakayahan ng local leaders na maghatid ng serbisyo na ‘deserve’ ng mga filipino.
“I know we have it in us to deliver the service our people rightfully deserve. Ibigay natin iyon sa kanila. Ibigay natin sa mga anak at apo natin ang isang pamahalaang marangal at maipagmamalaki nila,” ang sinabi ng Chief Executive.
Pag-uugnay sa kanyang mensahe sa pananaw ng Bagong Pilipinas ng administrasyon, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga provincial vice governors na “to lead by example” at katawanin ang kahalagahan ng integridad, disiplina at pakikiramay.
“If we truly believe in a Bagong Pilipinas, then we, as leaders, must be the very examples of a Bagong Pilipino—tapat, disiplinado, at may tunay na malasakit sa bayan,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Samantala, ang panawagan ng Pangulo ang nagbigay diin sa kanyang kambal na apela para sa reporma at inclusivity — tuldukan ang korapsyon at systemic dysfunctions habang pinangangalagaan ang pagkakaisa sa labas ng politika bilang pangunahing hakbang sa pagtaguyod ng mas malakas at mas pinagkakatiwalaan na gobyerno para sa mga mamamayang filipino. (KRIS JOSE)