Home METRO Lalaki, utas sa stray bullet noong Setyembre 21 rally – MPD

Lalaki, utas sa stray bullet noong Setyembre 21 rally – MPD

360
0

MANILA, Philippines – Isang 30 anyos na lalaki ang kumpirmadong nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala sa isinagawang anti-corruption rally noong Sept.21 sa Recto, Manila.

Ayon kay MPD PIO Chief at spokesperson P/Major Philipp Ines, nakilala ang biktima na si Eric Saber na isang construction worker mula sa Tondo.

Pauwi na umano ang biktima kasama ang kanyang kapatid mula sa kanilang trabaho nang maipit sa Recto dahil sa riot sa pagitan ng mga awtoridad at ilang mga kabataan gabi ng Sept.21.

Dito na biglang bumagsak ang biktima nang tamaan ng ligaw na bala sa leeg.

Agad na isinugod ang biktima sa ospital ngunit namatay din makalipas ang dalawang araw.

Ayon kay Maj. Ines, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Saber at nakakuha na ng pahayag mula sa mga testigo sa insidente.

Gayunman, nanatiling unavailable ang closed-circuit television (CCTV) footage sa lugar  matapos sirain ng mga rioters ang mga camera.

Nilinaw din ni Ines na ang bala na tumama kay Saber ay hindi nagmula sa pulisya at idiniin na ang puwersa ng pulisya ay sinunod ang “maximum tolerance” sa mga demonstrasyon at rioters.

Bukod kay Saber, isang Grade 10 student mula sa Taguig City ang nasawi sa saksak ng isang watch repairman sa kaguluhan sa Recto noong gabing iyon.

Kusang sumuko sa pulisya noong September 22 ang suspek na kinilalang si Richard Francisco, 52 anyos. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here