Home NATIONWIDE PBBM hindi kontra sa wage hike

PBBM hindi kontra sa wage hike

MANILA, Philippines — Nilinaw ng Malacañang na hindi tutol si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa panukalang dagdag-sahod para sa mga manggagawang Pilipino.

Sa isang press briefing sa Malacañang, inusisa si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro kaugnay ng pahayag ng Kabataan Party-list na si Pangulong Marcos umano ang “pumatay” sa wage hike bill at pinaboran ang tinatawag na “rich boys club.”

“Diktador ba si Pangulong Marcos Jr.? Hindi naman po. Hayaan na lang po muna natin ang usapin na ‘yan sa Kongreso. At ang Pangulo naman po ay hindi tutol sa increased wage hike dahil ito po ay makakabuti sa mga manggagawa,” pahayag ni Castro.

Gayunman, iginiit ni Castro na may proseso na kailangang sundin sa pagtataas ng sahod, alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.

Sa kabila ng naunang pag-apruba ng Senado noong Pebrero 2024 sa ₱100 daily minimum wage hike, nabigong maisalang ang panukala sa bicameral conference committee sa pagtatapos ng sesyon ng 19th Congress. Ito ay dahil sa pagtutol ng Kamara de Representantes na i-adopt ang bersyon ng Senado.

Ayon kay Senate President Migz Zubiri, nalulungkot siya para sa mga manggagawa, subalit iginiit niyang ginawa ng Senado ang lahat upang maisulong ang dagdag-sahod.

“Patuloy na ipinipilit ng Kamara ang ₱200 dagdag-sahod — na alam naman nating hindi kakayanin ng mga maliliit na negosyo. Kung kami sa Senado ang mag-aadopt ng kanilang bersyon, tiyak na mave-veto lamang ito ng Pangulo,” ani Zubiri.

Samantala, sinabi ni Senate Committee on Labor Chairman Joel Villanueva na sa kabila ng pagpapahayag ng Kamara na maaaring i-adopt ang bersyon ng Senado, wala silang natanggap na anumang opisyal na komunikasyon mula rito hanggang sa huling oras ng sesyon.

“February 2024 pa po namin inaprubahan ito dahil ramdam naming kailangang-kailangan ito ng mga manggagawa,” ani Villanueva. Kris Jose