UMAASA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbibigay ang Tsina ng ‘notice’ sa Pilipinas kapag maglulunsad ito ng mga rockets upang maaaring subaybayan ng mga kinauukulang awtoridad ang mga bumabagsak na mga debris.
Sinabi ni Pangulong Marcos na walang nagawang anumang mga paglabag ang Tsina kaugnay sa kanilang rocket launch malapit sa Palawan.
”Sabihan ninyo kami kung saan dadaan. Kapag may babagsak, kukunin namin sa dagat. Tapos ipadala namin sa inyo,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa Philippine media delegation sa India.
Inalala pa ni Pangulong Marcos ang sinabi niya kay Chinese President Xi Jinping na ang Pilipinas ay walang interest sa kanilang rockets.
Matatandaang nagpalipad ang Tsina ng Long March-12 carrier rocket noong Lunes, na nagdala ng mga internet satellites patungong kalawakan.
Ang rocket ay inilunsad alas 6:21 ng gabi araw ng Lunes Agosto 4, 2025 mula sa Hainan commercial spacecraft launch site sa timog na lalawigan ng Hainan China.
Matagumpay nitong inilagay ang mga kargamento—ang ikapitong grupo ng mga low-orbit internet satellites sa itinakdang orbit.
Ayon sa launch site ito na ang ika-587 na misyon ng Long March series ng mga carrier rocket.
Ngunit ang naturang hakbang ng Tsina ay nagdulot ng panganib sa mga filipino.
Dahil dito agad na naglabas ng Rocket Launch Advisory ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagbibigay babala sa publiko sa posibleng pagbagsak ng mga debris mula sa naturang rocket.
Nagbabala naman ang Philippine Space Agency sa lahat na huwag kuhanin o lapitan ang mga materyales upang maiwasan ang panganib mula sa mga nalalabing nakalalasong sangkap gaya ng rocket fuel.
Kasunod nito mariing kinokondena ng National Security Adviser (NSA) ang ginawa ng People’s Republic of China sa tila walang pag-iingat na pagpapalipad ng kanilang Long March 12 rocket na nagdulot ng pangamba sa publiko at naglagay sa panganib sa mga mamamayan ng Palawan. /Kris Jose