MANILA, Philippines — Itinutulak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mas malawak ngunit responsable at etikal na paggamit ng artificial intelligence (AI) upang gawing mas accessible at episyente ang mga serbisyo ng pamahalaan.
Sa mensaheng binasa ni Cabinet Secretary Benhur Abalos sa ceremonial launch ng eGov AI sa eGovPH Superapp nitong Lunes, Setyembre 21, sinabi ni Marcos na dapat mapakinabangan ng mas maraming Pilipino ang mga umuusbong na teknolohiya.
“We live in a time when technology is transforming how we learn, work, and do business. Artificial intelligence, or AI in particular, offers new ways of solving problems and making everyday tasks more efficient,” ani Marcos.
Kasabay nito, inilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang eGov AI, isang AI-powered assistant na nakapaloob sa eGovPH Superapp upang makatulong sa publiko sa pagkuha ng impormasyon at paggamit ng government services. Ayon sa opisyal na eGovAI portal, layunin nitong gawing mas accessible, efficient at inclusive ang pakikipagtransaksyon sa gobyerno.
Binanggit din ng Pangulo ang mababang antas ng AI adoption sa bansa. Batay sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, 14.9% lamang ng mga negosyo sa Pilipinas ang gumagamit ng AI tools, at mas nakasentro ang paggamit nito sa malalaking kumpanya at urban areas.
Binigyang-diin ni Marcos na dapat nakaangkla sa accountability, security at public interest ang paggamit ng AI sa gobyerno.
Hinimok din niya ang mga Pilipino na gamitin ang teknolohiya nang “wisely, responsibly, and ethically,” habang iginiit na hindi nito dapat palitan ang sariling pag-iisip at pagpapasya ng tao.
“Let us use AI as a tool to make well-informed decisions without surrendering our own capacity to question, discern, and decide,” ani Marcos. Kris Jose