CAPAS, Tarlac — Nangangamba ang ilang miyembro ng Aeta Hungey community sa Capas, Tarlac sa posibleng epekto sa kanilang tirahan, kabuhayan at ancestral domain ng planong Pax Silica high-tech industrial hub sa New Clark City.
Sa panayam ng Agence France-Presse (AFP), sinabi ni Aeta chieftain Petronila Muñoz na hindi pa malinaw sa kanilang komunidad kung gaano kalawak na bahagi ng lupang kanilang ginagamit ang maaapektuhan ng proyekto.
Ayon kay Muñoz, sinabi umano sa kanila ng mga tauhan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na maaari silang ilipat sa lugar na nasa humigit-kumulang 16 kilometro mula sa kanilang kasalukuyang tirahan. Sinabi rin niyang inalok umano sila ng P30 kada metro kuwadrado para sa lupa, ngunit tinanggihan ito ng mga residente.
Hindi direktang sinagot ng BCDA sa AFP ang mga partikular na alegasyong ito. Sa isang Senate hearing noong Agosto, sinabi naman ni BCDA President Joshua Bingcang na ang lupang tinutukoy ay bahagi ng government property sa New Clark City.
Ang planong Pax Silica development ay sasaklaw sa humigit-kumulang 1,620 ektarya at nakatuon sa advanced manufacturing, semiconductors, artificial intelligence at iba pang high-technology industries. Tinataya ng gobyerno na maaari itong makahikayat ng $40 bilyon hanggang $70 bilyong investment at makalikha ng hanggang 190,000 trabaho kapag ganap nang nadebelop.
Nauna nang tiniyak ng Malacañang na dapat sundin ng proyekto ang mga umiiral na batas at safeguards para sa environment at mga komunidad. Sinabi rin ng BCDA na nagpapatuloy pa ang ground assessments at consultations habang binubuo ang plano.
Noong Agosto, nagsagawa rin ang National Commission on Indigenous Peoples ng dialogue sa Aeta Hungey community sa Capas, kung saan inihayag ng mga residente ang kanilang pangamba sa posibleng epekto sa kanilang mga tahanan, kabuhayan at ancestral domain claim.
Giit ni Muñoz sa AFP, nais nilang direktang mapakinggan at mabigyan ng malinaw na impormasyon bago magkaroon ng anumang desisyong makaaapekto sa kanilang komunidad. RNT