Home HOME BANNER STORY PBBM kay Quiboloy: Magpakita ka

PBBM kay Quiboloy: Magpakita ka

MANILA, Philippines- Hinamon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy na lumutang, magpakita at matapang na harapin ang akusasyon na ibinabato laban sa kanya.

Sa isang ambush interview, hiningan ng reaksyon si Pangulong Marcos ukol sa pagkuwestiyon ng kampo ni Quiboloy sa motibo ng mga indibidwal na nag-alok ng P10 milyong pabuya para ituro ang kinaroroonan ng pastor.

Sinabi ng Pangulo na sinusunod lamang nila ang batas sabay bweltang pag-kuwestiyon din sa motibo ng kampo ni Quiboloy.

“He can question their motives as much as they want. But magpakita siya. I question his motives. Let me question his motives,” ang sinabi ng Pangulo.

“Bakit lagi kami kinukuwestiyon? Sinusundan lang namin ang batas. Sundin din niya ang batas. ‘Yun lang,” dagdag niya.

Sa ulat, inakusahan ng sexual at child abuse si Quiboloy.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), si Quiboloy ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5(b) ng Republic Act No. 7610 (Other Sexual Abuse), na nakapokus sa proteksyon ng mga kabataan laban sa pang-aabuso, exploitation, at diskriminasyon.

May karagdagan pa umanong kaso sa ilalim ng Section 10(a) ng nasabi ring batas (Other Acts of Child Abuse) ang isinampa laban kay Quiboloy, at kina Jackielyn W. Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid C. Canada, at Sylvia Cemanes.

Inendorso naman ng Davao City Prosecutor’s Office ang reklamo para sa Qualified Trafficking in Persons sa DOJ main office. Kris Jose