MANILA, Philippines – NANANATILING kumpiyansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maipapasa ang panukalang 2026 national budget bago magtapos ang taon.
Ito ang ipinahayag ng Malakanyang kasunod ng konklusyon ng bicameral conference committee deliberations ng Kongreso.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kumpiyansa ang Pangulo na ang pinal na bersyon ng panukalang 2026 General Appropriations Act (GAA) ay maipadadala sa Malakanyang “on time” at mapipirmahan bago magtapos ang taon.
“Confident pa rin ang Pangulo na mapipirmahan ang maayos na 2026 national budget,” ang sinabi ni Castro sa isang text message.
Sa ulat, matapos ang ilang pagkaantala, sa wakas tinapos na rin ng contingents mula sa Kamara at Senado ang bicameral conference committee meeting sa proposed P6.793 trillion national budget para sa 2026.
Nagtapos ang talakayan ng bicam panel ng eksaktong 2:22 kaninang madaling araw, Disyembre 18 matapos ang meeting na nagtagal ng mahigit siyam na oras.
Kaugnay nito, sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian na ang budget ay corruption-free, walang overpriced at may standard transparency.
Sa huling araw ng bicameral conference committee meeting, tinalakay ng mga mambabatas ang budget ng Department of Public Works and Highways, unprogrammed appropriations, and special-purpose funds, at iba pa.
Matapos na magkaroon ng reconciliation sa conflicting provisions ng panukalang budget ng dalawang kapulungan ng kongreso, ibabalik ito sa kamara at senado para sa ratipikasyon.
Ang ratified version ay dadalhin naman sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kanyang paglagda.
Sinabi ni Gatchalian na inaasahan nila na ipapadala ang panukalang budget kay Pangulong Marcos sa December 29.
Samantala, nauna nang sinabi ng Malakanyang na mahigpit na mino-monitor ni Pangulong Marcos ang budget process at makailang ulit na binigyang diin ang kahalagahan ng national budget na susuporta sa ‘economic growth, social services, at priority government programs, habang nananatiling “fiscally responsible.” Kris Jose