Home NATIONWIDE PBBM: Maging alerto sa bagyong Maymay; DSWD naghanda ng P1.6M standby fund

PBBM: Maging alerto sa bagyong Maymay; DSWD naghanda ng P1.6M standby fund

1
0

MANILA, Philippines – Inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na manatiling nasa full alert at tiyakin ang kaligtasan ng mga residente sa mga lugar na nanganganib dahil sa Tropical Storm Maymay at pinalakas na southwest monsoon o habagat.

Sa isinagawang press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ipinag-utos ng Pangulo sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na ipatupad ang maagap na mga hakbang sa pagtugon sa kalamidad upang mabawasan ang epekto ng bagyo at maprotektahan ang mga komunidad na pinakaapektado.

“Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahandaan ng pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente sa mga apektadong lugar,” ani Castro.

Sinabi ni Castro na isinailalim na sa full alert status ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) alinsunod sa direktiba ng Pangulo, habang ipinatutupad na rin ng lahat ng miyembrong ahensya ang mga kinakailangang hakbang bilang paghahanda upang matiyak ang mabilis at magkakaugnay na pagtugon sa anumang sakuna.

Idinagdag niya na nag-utos na rin ang mga awtoridad ng mahigpit na preemptive evacuation sa mga lugar na madaling bahain, tabunan ng landslide at mga pamayanang nasa baybayin upang mabawasan ang panganib na dulot ng paparating na sama ng panahon.

“Ayon sa DSWD, sa pangunguna ni Secretary Rex Gatchalian, umabot sa halos P1.8 billion ang inilaan ng pamahalaan para sa humanitarian assistance sa mga maaapektuhan ng sama ng panahon,” ani Castro.

Sa Metro Manila, sinabi ni Castro na nakapagpwesto na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa pamumuno ni Chairman Romando “Don” Artes, ng mga rescue personnel at kagamitan at mahigpit na nakikipag-ugnayan sa mga disaster risk reduction offices at sa 17 local government units sa National Capital Region.

Ayon kay Castro, gumagana ang lahat ng 73 pumping stations sa Metro Manila, habang nakaantabay ang mga mobile pumping units at isinasagawa na ang preemptive pumping operations upang mapataas ang kapasidad ng mga daluyan ng tubig at makatulong sa pag-iwas sa pagbaha.

Sinabi pa ng Palace Press Officer na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamumuno ni Secretary Rex Gatchalian, ay nakapagpauna na ng paglalagay ng mga relief supplies at pondong pinansyal para sa mga pamilyang maaapektuhan.

Ayon kay Castro, nakapagpamahagi na ang DSWD ng family food packs, ready-to-eat food items at sleeping kits sa Benguet, La Union, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Albay at Zamboanga City.

Idinagdag niya na nakapag-imbak na ang pamahalaan ng mahigit limang milyong family food packs sa buong bansa at may higit sa P1.6 bilyong standby funds, bukod pa sa iba pang relief resources, upang suportahan ang mga emergency response operations.

“Sa kabuuan, umabot na sa mahigit limang milyong family food packs ang inihanda ng pamahalaan para sa mga apektadong lugar samantalang aabot sa higit P1.6 billion ang standby funds sa buong bansa,” saad ni Castro.

Hinimok ng Malacañang ang publiko na manatiling mapagmatyag, subaybayan ang mga opisyal na abiso ukol sa lagay ng panahon, at makipagtulungan sa mga lokal na awtoridad, lalo na sa mga lugar na isinailalim sa preemptive evacuation, habang patuloy na nagbabanta ang Tropical Storm Maymay at ang pinalakas na habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here