Home NATIONWIDE Update sa COA rules sa pag-audit ng CONFI funds, hirit ni Lacson

Update sa COA rules sa pag-audit ng CONFI funds, hirit ni Lacson

1
0

MANILA, Philippines – Dapat i-update at palawakin ang mga patakaran ng Commission on Audit (COA) sa pag-audit ng confidential at intelligence funds (CIF) upang matiyak ang higit na pananagutan sa paggamit ng naturang mga pondo, ayon kay Senator-Judge Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules.

Iginiit ni Lacson ang pangangailangang muling repasuhin ang Joint Memorandum Circular matapos tumestigo si COA auditor Roderick Wamil na limitado sa document-based compliance audit ang pag-audit nila sa CIF alinsunod sa kasalukuyang mga patakaran.

Dagdag ni Lacson, kailangan din ang security clearance para sa mga auditor na tinakdang mag-audit ng intelligence and confidential funds, para may access sila sa mga “classified documents.”

Binuksan din niya ang usapin kung dapat bang pagkalooban ng angkop na security clearance ang mga auditor na nakatalaga sa pag-audit ng confidential at intelligence funds upang magkaroon sila ng access sa mga classified document na kailangan sa mas masusing pag-audit.

“Bakit paper audit lang kayo? Wala kayong physical? Parang bitin ang paggawa ng audit. Paano nyo malalaman kung legitimate ang pumirma sa acknowledgment receipts kung hindi niyo inaalam kung meron bang totoong tao na nasa likod ng mga alias na yan?” ani Lacson, na binanggit ang kanyang karanasan sa intelligence operations noong nasa law enforcement service pa siya, sa kanyang interjection sa impeachment trial ng Bise Presidente.

“Baka pwedeng irekomenda mo na i-amend ninyo ang inyong Joint Memorandum Circular. Parang bitin. In fairness to the concerned offices or persons na ina-audit, dapat kumpleto ang due process. Kung paper lang magre-rely lang kayo sa submission, di nyo inaalam, you don’t go further than that,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Wamil, na nagsilbi sa Intelligence and Confidential Fund Audit Office (ICFAO) ng COA mula Setyembre 2014 hanggang Pebrero 2024, na isinasagawa ang compliance audit ng ICFAO alinsunod sa mga probisyon ng Joint Memorandum Circular.

Habang nasa ICFAO, in-audit ni Wamil ang mga liquidation report para sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.

Binanggit din ni Lacson na maaaring kilalanin ang after-surveillance o after-intelligence reports bilang ebidensya ng tagumpay ng isang surveillance o intelligence-gathering activity.

Lumitaw ang usaping ito matapos tumestigo si Wamil na walang itinatakdang partikular na dokumento ang Joint Memorandum Circular upang patunayan ang tagumpay ng isang surveillance o intelligence operation. Sa halip, ang pagsunod sa mga patakaran ay kasalukuyang sinusukat ng mga auditor batay sa pagkakaroon ng “causal link” sa pagitan ng impormasyong ibinigay ng isang informer at ng naging resulta ng operasyon.

“Would an after-surveillance or after-intelligence report ng particular agent suffice para i-consider ang evidence of success? I’m not referring to the entire operation. Kasi pag nagsagawa ng surveillance nagsasagawa ng after-surveillance report, would you consider that as evidence of success?” aniya.

Samantala, kinuwestiyon din ni Lacson kung paano makapagsasagawa ng masusing pag-audit ang mga auditor ng confidential at intelligence funds kung wala silang angkop na security clearance upang magkaroon ng access sa mga classified document.

Aniya, ang mga classified document, kabilang ang tunay na pagkakakilanlan ng mga taong gumagamit ng alias sa intelligence operations, ay nananatiling naka-secure hanggang sa matapos ang intelligence-gathering project at ma-declassify ang mga dokumento.

Kung walang angkop na security clearance, hindi maaasahang ganap na masusuri ng mga auditor ang tunay na katangian ng isang intelligence project o operation, aniya.

“Paano ka makakapag-audit properly kung hindi mo alam ang nature ng intelligence project or operation?” tanong ni Lacson.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here