Home NATIONWIDE PBBM masaya sa pagbagal ng inflation noong nakaraang buwan

PBBM masaya sa pagbagal ng inflation noong nakaraang buwan

MANILA, Philippines – WELCOME kay Pangulong Ferdinand ‘Marcos Jr. ang paggaan ng inflation rate sa bansa nito lamang buwan ng Agosto.

Kaya nga ang pangako ng Pangulo ay ipagpapatuloy ang mga programa ng pamahalaan na magpapagaan sa pasanin ng mga Filipino sa gastos sa pagkain.

Nauna rito, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na ang inflation noong nakaraang buwan ay pumalo sa 3.3%, mas mabagal kaysa sa 4.4% rate noong Hulyo.

Sa isang Facebook post, inamin ni Pangulong Marcos na nang mabawasan ang taripa sa bigas, nagawa ng gobyerno na ibaba ang rice inflation mula sa 20.9% ay naging 14.7%, habang ang meat inflation ay gumaan naman mula 4.8% na naging 4.0%.

Nangako naman si Pangulong Marcos na palalawakin ang Kadiwa ng Pangulo program sa rehiyon ng Visayas at Mindanao.

”Makatutulong ito sa pagsigurong abot-kaya ang bilihin para sa nakararaming Pilipino,” ayon sa Chief Executive.

Matatandaang, sinimulan ng administrasyong Marcos ang malaking bilang ng Kadiwa stores at outlets sa buong bansa bilang bahagi ng hakbang nito na tiyakin ang food security at tulungan ang mga consumers mula sa tumataas na presyo.

Binanggit din ng Pangulo ang pag-roll out sa African swine fever (ASF) vaccine upang matiyak ang sapat na pork supply at mapigilan ang pagtaas ng presyo ng karne.

Dagdag pa rito, sinabi ni Pangulong Marcos na ginagawa ng kanyang administrasyon ang lahat ng pagsisikap para masiguro na magiging matatag ang ‘transportation at gasoline costs.’

”These are concrete steps we’re taking to make sure that the Bagong Pilipinas we promised is felt where it matters most—at home,” ayon sa Pangulo.

”Patuloy ang trabaho. Ipagpapatuloy natin ang pag-usad upang matiyak na makakamtan ng bawat Pilipino ang mas komportableng buhay—sa pamamagitan ng dekalidad na trabaho at murang bilihin,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, sinabi ni Mapa na ang pangunahing dahilan sa mas mabagal na inflation noong nakaraang buwan ng taong kasalukuyan kontra noong July 2024 ay ang mas mabagal na pagtaas sa presyo ng food at non-alcoholic beverages na may 3.9%.

“The Food and Non-Alcoholic Beverages index saw a faster inflation rate in July at 6.4%,” ang sinabi ni Mapa.

Samantala, ang pagbagal ay dahil sa mas mababang inflation prints sa cereals at cereal products na may 11.5% mula 15.6%, mga gulay na may -4.3% mula 6.1%, at isda at iba pang seafood na may -3.1% mula -0.8%. Kris Jose