MANILA, Philippines -Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia nitong Huwebes, Setyembre 5 na hindi na siya maghahabol ng ethics complaint laban kay SAGIP party-list Representative Rodante Marcoleta sa gitna ng mga akusasyon ng mambabatas na mayroon siyang mga offshore account.
“Ako naman talaga, nung una sinasabi ko na na wala naman talaga akong intensyon mag-file ng kaso… so ‘yung ginawa sa akin ay ipagpapasa-Diyos ko na lamang,” sabi ni Garcia sa isang pahayag.
Maaalala na inakusahan ni Marcoleta ang ilang opisyal ng Comelec na umano’y tumanggap ng P1 bilyon halaga ng deposits o suhol sa procurement ng automated system (AES) ng kumpanya ng South Korea.
Ayon kay Marcoleta, ang mga account ay nakatanggap ng mga deposito mula sa mga bangko sa South Korea.
Nauna nang itinanggi ni Garcia ang alegasyon at hiniling sa National Bureau of Investigation (NBI) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) na magsagawa ng imbestigasyon. Nagpadala rin ng mga kaugnay na dokumento sa US Department of Justice (DOJ).
Samantala, sinabi ni Garcia na nagpadala siya ng liham sa Bayanihan Para sa Karangalan at Kaunlaran ng mga Pilipino (BAYANIHAN) na humihimok sa kanila na ibasura ang ethics complaint at disbarment case na inaasam nitong isampa laban kay Marcoleta
Noong nakaraang buwan, nagsampa rin si dating Caloocan Representative Edgar Erice ng anti-graft and corruption practice complaint laban kay Garcia at iba pang opisyal ng Comelec sa Office of the Ombudsman dahil sa P18 bilyong kontrata na iginawad sa South Korean firm na Miru Systems.
Nagpahayag si Garcia ng kahandaang humarap sa imbestigasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden