MANILA, Philippines – Nakumpleto na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang profiling ng nasa 30,000 Filipino workers na apektado ng ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma nitong Huwebes, Setyembre 5.
“As we speak today, more or less ang taya ay humigit-kumulang 40,000. Ang na-profile na ay almost 30,000,” ani Laguesma sa pagdinig ng Senate finance committee hearing sa proposed budget ng DOLE para sa 2025.
Ani Laguesma noong Hulyo, nagsasagawa ang DOLE ng profiling para matulungan ang mga apektadong empleyado na matukoy ang maaari nilang paglipatang trabaho.
“Hinihingi namin mismo sa kompanya ang listahan para maging accurate. Ang di pa magsa-submit, mayroon nang direktiba na puntahan ng DOLE. Di naman siguro pupuwersahin. Ipapaliwanag lang sa kanila ang kahalagahan na sila ay makipag-cooperate para ang mga manggagawa nila na maaaring ma-dislocate mabigyan namin ng karampatang pagtulong,” dagdag pa.
Noong nakaraang buwan, sinabi ng Labor chief na target ng DOLE na matapos ang profiling pagsapit ng Disyembre na ayong inspeksyunin ang skill set ng mga apektadong empleyado, ang kanilang sahod, at job descriptions.
Tutukuyin din kung kailangang sumailalim ng mga manggagawa sa upskilling, retraining, at training sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority.
“Sa pangkasalukuyang buwan din po, maglulusad din kami ng specific job fair para sa mga IGL (internet gaming licensee) workers na magiging interesado sa pwedeng ipagkaloob na serbisyo ng DOLE,” ani Laguesma.
“Kumikilos na kami batay sa direktiba ng Pangulo.”
Matatandaan na sa ikatlong State of the Nation Address (SONA), inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ban sa lahat ng POGO sa bansa.
“Ang intervention ng DOLE na ginagawa ngayon, hindi lamang may kinalaman sa job facilitation, livelihood, upskilling, kasama na rin ‘yung pagtingin anong pang mga klaseng serbisyo ang pwede maipagkaloob lalo na sa dependents ng mga lehitimo na manggagawa,” pagtatapos ni Laguesma. RNT/JGC