Home HOME BANNER STORY PBBM, mga politiko ‘di umepal sa cash aid distribution sa trike drivers...

PBBM, mga politiko ‘di umepal sa cash aid distribution sa trike drivers – Malakanyang

155
0

MANILA, Philippines – BINIGYANG-katuwiran ng Malacañang ang pagiging “present” ng mga halal na opisyal sa panahon ng pag-rollout ng cash aid para sa mga tricycle drivers.

Ang partisipasyon ng mga ito, ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ay hindi paglabag sa probisyon ng “anti-epal” sa ilalim ng 2026 national budget.

Ani Castro, dumalo ang mga opisyal sa event sa kanilang opisyal na kapasidad bilang hosts at kinatawan ng local government units (LGUs).

“Iyon po kasi ay isang event kung saan pinuntahan po ng Pangulo at kinakailangan po na nandoon ang host,” ang paliwanag ni Castro.

Binigyang halimbawa ni Castro si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, na present bilang host ng event na idinaos sa Maynila, habang si San Juan Mayor Francis Zamora ay dumalo sa kanyang kapasidad bilang national president ng League of Cities of the Philippines.

“Sa Manila po ginanap kaya nararapat lamang po na si Mayor Isko Moreno ang sumalubong at tumanggap sa ating Pangulo,” ang sinabi ni Castro.

“Ang LGU mismo ang nakakaalam kung sino ang mga benepisyaryo; nararapat lamang din pong pumunta si Mayor Francis Zamora,” dagdag pa nito.

Sa kabilang dako, ipinagbabawal ng 2026 General Appropriations Act ang mga opisyal mula sa paglahok sa pamamahagi ng ayuda mula sa gobyerno upang mapigilan ang pamumulitika o self-promotion.

Pinanindigan naman ni Castro na ang mga opisyal na present sa event ay hindi lumabag sa probisyon dahil hindi naman sila nagpunta roon para sa political purposes kundi upang gampanan ang kanilang tungkulin.

Inaasahan naman, ayon kay Castro, na present si Pangulong Marcos sa mga ganitong pangyayari upang ipakita na ang gobyerno ay gumagana nang maayos at magbigay ng katiyakan sa publiko sa gitna ng patuloy na mga hamon na dulot ng labanan sa Gitnang Silangan.

“That is the event of the President… dapat makita siya, dapat nakikita ang Pangulo,” anito.

“Ang pagpapakita ng Pangulo ay pagpapakita ng tiwala sa mga kababayan natin na kung anumang krisis mayroon tayo ay maaari natin itong malampasan,” ang sinabi pa ni Castro. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here