Home METRO DENR nagbabala sa ha-hunting sa PH deer

DENR nagbabala sa ha-hunting sa PH deer

139
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko na huwag lapitan o saktan ang Philippine deer na muling namataan sa Marinduque matapos itong matagal na pinaniniwalaang nawala sa lugar.

Ayon sa DENR Mimaropa, mahalagang bahagi ng ecosystem ang Philippine deer at tumutulong sa pagpapanatili ng balanse ng kagubatan.

“Ang Philippine deer ay isang mahalagang bahagi ng ating ecosystem. Sila ay tumutulong sa pagpapanatili ng balanse sa ating kagubatan at likas-yaman,” anito.

Itinuturing ang hayop na vulnerable ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN) at endangered sa ilalim ng lokal na batas, at matagal nang itinuturing na “presumed absent” sa Marinduque batay sa mga naunang pag-aaral.

Dahil dito, pinaalalahanan ang publiko na iwasan ang paglapit, pagpapakain, paghuli, o pananakit sa naturang hayop, at maging maingat sa pagmamaneho sa mga lugar na maaaring daanan ng wildlife.

Nagbabala rin ang DENR na may kaukulang parusa ang panghuhuli o pananakit ng wildlife, kabilang ang pagkakakulong ng hanggang anim na taon at multa na aabot sa P50,000 hanggang P500,000.

“Alinsunod sa Republic Act No. 9147… mahigpit na ipinagbabawal ang pananakit, panghuhuli, pagpatay, at pag-aari ng wildlife tulad ng Philippine deer nang walang kaukulang pahintulot,” anito.

Hinimok din ang publiko na i-report ang anumang sighting o iligal na aktibidad sa mga awtoridad upang maprotektahan ang species at ang natural nitong tirahan, kabilang ang Marinduque Wildlife Sanctuary. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here