MANILA, Philippines – Nanatiling normal sa ngayon ang pagdating ng fuel shipments sa Pilipinas, ngunit inaasahan ng Bureau of Customs (BOC) na posibleng bumaba ang suplay sa mga susunod na linggo dahil sa tumitinding tensyon sa Middle East.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, wala pang naitatalang kanselasyon ng oil shipments at nananatiling pareho ang volume kumpara sa mga naunang buwan ng taon.
“Normal yung volume kung ikokompara natin yung mga pumasok from January 2026 this year up to early March of this year. Normal pa ang volume at sa ngayon wala pa nauulat na cancellation,” aniya.
Gayunman, ipinaliwanag niya na ang kasalukuyang dumarating na suplay ay naipadala na bago pa sumiklab ang tensyon sa rehiyon. Dahil umaabot ng 14 hanggang 20 araw ang biyahe ng mga oil shipment, posibleng maramdaman ang epekto sa mga darating na linggo kung lalala pa ang sitwasyon.
Bilang paghahanda, nagpatupad na ng crisis mode ang BOC at bumuo ng task force upang araw-araw bantayan ang dami ng pumapasok na petroleum products.
“But in anticipation, nag-crisis mode ang Bureau of Customs upang magkaroon ng mas mahigpit na pagbabantay… malalaman natin yung volume na pumapasok sa bansa,” ani Nepomuceno.
Inamin din niya na may mga naitalang kanselasyon at pagkaantala sa ibang uri ng importasyon, partikular sa containerized goods.
“Ang mga nagkakaroon ng mga cancellation doon sa mga regular importations… meron nang nagkaroon ng reported cancellations,” aniya.
Upang matiyak ang sapat na suplay, inatasan din ng BOC ang lahat ng tanggapan nito na pabilisin ang pagproseso at pagpapalabas ng mga dumarating na fuel shipments.