MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na hindi gusto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na chill-chill lang ang mga lokal na opisyal sa kanilang tungkulin lalo na sa panahon ng natural calamities.
“Unang-una, sa Pangulo, hindi po niya gusto na ang mga liderato ay chill-chill lang. Dapat ang trabaho ay para sa taumbayan kasi umaasa po sila sa gobyerno, lalo na sa ganitong klaseng sitwasyon,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Hindi puwedeng sabihin na chill-chill lang palagi. Dapat trabaho, hindi bakasyon,” diing pahayag nito.
Inihayag ito ni Castro matapos na mapaulat na iniimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ilang local chief executives na umalis ng bansa sa kabila ng direktiba na manatili sa kanilang lugar bunsod na rin ng banta ng bagyong Uwan.
Tinukoy ng Malakanyang ang naging pahayag ni Isabela Gov. Rodolfo Albano nang tanungin ukol sa super typhoon na hahagupit sa Isabela.
Ang naging tugon kasi ni Albano ay “PAGASA sometimes exaggerates forecasts, causing unnecessary panic.”
“PAGASA is always like that. Sometimes it causes anxiety to build up. It can make people nervous,” ayon kay Albano sabay sabing “For me, just chill. There is nothing we can do about it. Only God can stop the typhoon.”
Gayunman, tutol si Castro sa ganitong approach, binigyang diin na ang mga lokal na opisyal ay dapat na ‘act responsibly’ at ‘not take an easy or casual approach during imminent disasters.’
Samantala, ipinaubaya na ng Malakanyang sa DILG ang pagdetermina kung nilabag ng mga local executive ang direktiba ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nag-uutos sa lahat ng elective at appointive officials na kanselahin ang kanilang foreign travel mula November 9 hanggang 15. Kris Jose