Home NATIONWIDE Paglutang ng mga pangalan na nasa likod ng destab plot, ipauubaya ng...

Paglutang ng mga pangalan na nasa likod ng destab plot, ipauubaya ng Palasyo sa intel

166
0

MANILA, Philippines – IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa intelligence community ang sumingaw na mga pangalan na nasa likod ng napaulat ng di umano’y destabilisasyon laban sa gobyerno.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na kung mayroon man silang makikitang dapat na talagang pagtuunan ng pansin, ito aniya ay hindi tutulugan ng Pangulo.

Sa ulat, pinalutang kasi ni retired columnist, dating TV host at radio broadcaster na si Ramon Tulfo ang isang ‘insider list’ ng mga tao na binabantayan ng gobyerno na di umano’y napaulat na nasa likod ng kasalukuyang destabilisasyon laban sa gobyerno.

Ang mga ito ayon kay Ramon Tulfo ay sina Romeo Poquiz, Orly De Leon, Benjamin Magalong (for confirmation), Johnny Macanas, Gerald Bantag, Col. Lachica, Col. Leonardo, Col. Metran, Capt. Dado Enriquez, Atty. Ferdinand Topacio, Vic Rodriguez, Mike Defensor, Chavit Singson, Rodante Marcoleta, Orlando Olamit at alyas Monk.

Ang mga posibleng financiers naman ng mga ito ay sina Vice-President Sara Duterte, Cong. Pulong Duterte at Chavit Singson.

“Ito po ay napansin na po ng AFP at nabanggit nga rin po ang mga pangalan katulad ni General Poquiz, General Orlando de Leon at saka si Mayor Benjie Magalong although for confirmation at iba pa, pati si Colonel Lachica na diumano’y sangkot sa usapin ng 125 million pesos na confidential funds ng Bise Presidente,” ayon kay Castro.

“Ayon po sa AFP, sa mga ganitong klaseng mga sinasabi although ito ay nasa social media at sa kanila po ito po ay ibinibigay na rin po sa kanilang intelligence community, minu-monitor, inaalam ang katotohanan. Hindi naman po ibig sabihin na nasabi sa social media ito ay agad na dapat paniwalaan, so, kailangan po nilang i-validate,” ayon pa rin kay Castro sabay sabing “At sa ngayon po ayon sa AFP, ito po ay pinamu-monitor at ibinigay na po nila sa intelligence community nila.”

Sinabi pa ni Castro na kailangan talagang ma-imbestigahan ang usaping ito dahil may isa sa lumutang na pangalan na nasa likod ng destabilisasyon laban sa gobyerno ay lumapit kay AFP Chief Romeo Brawner at hinikayat itong bawiin ang suporta sa administrasyong Marcos at suportahan ang mga mga kilos-protesta.

“Kailangan po kasi talagang maimbestigahan ito kasi maaaring sabihin nila ito ay freedom of expression pero muli titingnan natin kung ano ang hangganan at kailangan po talaga itong mapaimbestigahan kung ito po ay parte na po talaga ng destabilization,” ang paliwanag ni Castro.

Samantala, wala namang masabi pa si Castro kung may nilalabag na batas ang mga nasa listahan na nasa likod ng destabilisasyon.

“Kailangan pong maimbestigahan ito nang mas malaliman,” ayon kay Castro. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here