MANILA, Philippines – Hinimok ng Partido Demokratiko Pilipino ang bawat Pilipino, mga ibat-ibang sektor na makiisa sa isasagawang National Rally for Transparency and a Better Democracy sa November 16, 17 at 18 sa Quirino Grandstand sa Luneta at sa EDSA Shrine sa Quezon City.
Binigyang-diin ni PDP Deputy Spokesperson Atty. Ferdinand Topacio na ang naturang rally ay walang kaugnayan sa pulitika o personalidad dahil paghahayag lamang ito ng pagkontra sa korapsyon.
Ayon kay Topacio, nalalagay sa panganib o makokompromiso ang kinabukasan ng susunod na henerasyon ang pagtraydor sa tiwala ng publiko at pagnanakaw sa bayan.
Sa mga dadalo sa rally, hiniling ni Atty. Topacio na panatilihin ang disiplina, gawin itong mapayapa o hindi bayolente para sumentro lang ang pagkilos sa usapin ng katotohanan.
Wala rin aniya silang intensyon sa halip ay tutol ang kanilang partido na mapalitan ang regimen o liderato at iginiit na anumang reporma ay dapat naaayon lamang sa kasalukuyang umiiral na konstitusyon.
Nanawagan din si Topacio sa Armed Forces of the Philippines na pairalin ang kanilang mandato na protektahan ang sambayanang Pilipino at ang estado laban sa pwersa na posibleng manamantala sa idaraos na mapayapang rally pati na rin ang karapatan ng mga dadalo.
Sa pamamagitan anya ng patuloy na paniniwala sa panginoon at sa soberanya ng bawat Pilipino ay tiyak na mananaig ang nais ng sambayanan. Jocelyn Tabangcura-Domenden