
LAGUNA, Philippines – Pormal na ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahapon (March 27, 2026) ang pag turnover ng dalawang ambulansya o patient transport vehicles sa Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna, bilang bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng pambansang pamahalaan at lokal na pamahalaan upang palakasin ang agarang pagtugon sa mga pangangailangang medikal at mapabuti ang paghahatid ng pangangalagang pangkalusugan para sa mga Lagunense.
Tinanggap ni Laguna Governor Sol Aragones, ang mga naturang ambulansya bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lalawigan upang mas mapahusay ang mabilis na pagresponde sa mga pangangailangang medikal, mapabuti ang sistema ng transportasyon ng mga pasyente, at mapalakas ang kabuuang sistemang pangkalusugan sa iba’t ibang komunidad sa Laguna.
Kabilang si Mayor Ross Rizal ng Lungsod ng Calamba, na nagpahayag ng buong suporta sa inisyatiba, at binigyang-diin ang kahalagahan nito sa pagpapabilis ng pag-abot ng tulong medikal, lalo na sa mga oras ng agarang pangangailangan.
Inaasahang malaki ang magiging ambag ng mga bagong ambulansya sa pagpapabilis ng pagresponde, pagsuporta sa mga lokal na pasilidad pangkalusugan, at pagdadala ng mga pasyenteng nangangailangan ng agarang atensiyong medikal patungo sa mga ospital at health facilities.
Ang inisyatibang ito ay patunay ng pinagsamang layunin nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Laguna Governor Sol Aragones, na nagpapakita ng mas pinatatag na ugnayan ng pambansang pamahalaan at Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna tungo sa mas mabilis, mas maaasahan, at mas maayos na pangangalagang pangkalusugan para sa mamamayan ng Laguna. /Ellen Apostol