Home NATIONWIDE PBBM, naglunsad ng drainage clean-up drive sa Metro Manila

PBBM, naglunsad ng drainage clean-up drive sa Metro Manila

296
0

MANILA, Philippines – Naglunsad si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. , araw ng Sabado ng drainage clean-up drive sa Metro Manila.

Layon nito na alisan ng mga bara ang mga baradong daluyan ng tubig dahilan para lumubog sa tubig-baha ang metropolis ng bansa sa panahon ng tag-ulan.

Ang inisyatiba, binansagan bilang “Bayanihan sa Estero” Program, target na kompletuhin ang clean-up activities sa 23 na natukoy na mga estero na prayoridad para sa agarang interbensyon dahil sa “siltation, heavy accumulation of solid waste, poor flow conditions, and their susceptibility to recurrent flooding.”

Napili rin ang mga lugar base sa epekto sa pamayanan sa paligid at pagiging malapit sa flood-prone zones.

Sa nasabing paglulunsad ng programa sa Buli Creek sa Pasig City, sinabi ni Pangulong Marcos na ang mabuting flood control projects ay magiging hindi epektibo kung ang daluyan ng tubig ay nananatiling barado.

“Malaking proyekto ito sa flood control. Hindi lang sa pagpatayo ng slope protection. Kasama na itong paglilinis,” ang sinabi ng Pangulo.

“Iyan ang aming ginagawa. Parang adjustment natin. Kailangan na talaga tayong mag-adjust sa climate change at kahit anong gawin natin, hindi natin mapipigilan ang tinatawag nating climate change,” aniya pa rin.

Binigyang diin din ng Chief Executive ang pangangailangan para sa kolaborasyon sa hanay ng national government, local government units (LGUs), at volunteer groups upang masiguro ang tagumpay ng clean-up drive.

“Kapag malinis ang mga estero, mabilis din mawala ang baha. Kaya naiiwan ang baha, dahil walang madaanan ng tubig. At tatagal talagang may tubig sa ating mga bahay-bahay lalung-lalo na ‘yung mga nakatira sa tabing creek natin,” ang winika ng Pangulo.

Sinabi pa ng Punong Ehekutibo na ang ekstensibong paglilinis para sa 12 mula sa 23 priority esteros ay nakompleto na upang pagaanin ang epekto ng baha dala ng hindi pangkaraniwang malakas na ulan.

“A total of 881 cubic meters of garbage have been removed during the clean-up of 12 esteros,” ayon naman sa data mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa nabanggit na paglulunsad, nagsagawa ang MMDA ng sabay-sabay na clean-up drive sa apat na iba pang lugar gaya ng Catmon Creek sa Malabon City, Pinagsama Creek sa Taguig City, Hagonoy Retarding Pond sa Taguig City, at Tapayan Retarding Pond sa Taytay, Rizal.

Sa isang kalatas, sinabi ng MMDA na ang natitirang 13 tukoy na mga estero ay nakatakdang linisin dahil na rin sa nagpapatuloy na koordinasyon sa LGUS.

Ang MMDA ang nagsilbi bilang lead coordinator at tagapagpatupad ng metro-wide estero cleanup, habang ang mga kinauukulang lungsod o barangay ang nagsisilbi namang partner implementer para sa koordinasyon at mobilisasyon ng ‘manpower at resources.’

Sinabi ng ahensiya na babalik ito sa priority sites para sa regular maintenance upang masiguro na ang mga waterway o daluyan ng tubig ay nananatiling ‘malinis, functional, at well-managed.’ /Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here