Home NATIONWIDE PBBM, nagpaabot ng P1M tulong pinansyal sa Tacloban school shooting victims

PBBM, nagpaabot ng P1M tulong pinansyal sa Tacloban school shooting victims

3
0

MANILA, Philippines – INANUNSYO ng Malakanyang na nagpaabot ng mahigit sa P1 milyon na pinansiyal na tulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pamilya ng mga estudyante na nasawi at nasugatan sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.

“Nakakadurog-puso, iyan ang naramdaman ni Pangulong Marcos Jr. sa pangyayari sa Tacloban kung saan may mga kabataan na nagbuwis ng buhay para masagip ang ibang kamag-aral,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“Mga kabataan ang nabibiktima at mga kabataan din ang nambibiktima,” aniya pa rin.

Ayon sa Malakanyang, ang pamilya ng tatlong estudyante na nasawi sa nasabing insidente ay makatatanggap ng P150,000 bawat isa habang ang 18 estudyante na nasugatan ay makatatanggap ng P50,000 bawat isa, may kabuuang P1.35 milyong piso.

Ang pinansiyal na tulong ayon kay Castro ay bukod pa sa tulong na naibigay na ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kabilang na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Education (DepEd).

Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na narinig ng Malakanyang ang apela ng pamilya ng biktima na ang mga suspek na pawang menor de edad ay hindi lamang dapat na manatili sa pangangalaga ng DSWD.

“Nais natin ipaliwanag na ang pagdadala sa pangangalaga ng DSWD ng mga menor de edad na nakagawa ng krimen ay sa DSWD facilities dadalhin para sa kanilang reformation at rehabilitation at hindi sa regular na kulungan para sa mga adult,” ani Castro.

“Pero sisiguruhin ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. na makakamit ninyo ang hustisya,” pagtiyak ni Castro.

Samantala, ikakasa na ng DepEd ang malawakang implementasyon ng isang multi-layered security strategy sa mga paaralan sa bansa bilang parte ng School Safety Campaign kasunod ng shooting incident sa Tacloban City noong nakaraang Lunes, Hunyo 22.

Batay sa pahayag ng DepEd noong Biyernes, Hunyo 26, bahagi ng School Safety Campaign, ay ang pagpapatupad ng inspeksyon sa mga bag gamit ang handheld metal detectors, mas mahigpit na sistema sa visitor management, regular na inspeksyon ng bag, paglalagay ng CCTV cameras, at estratehikong pagtatalaga ng mga security personnel.

Gayundin ang pagsasailalim ng mga pisikal na estruktura ng mga paaralan sa safety audits.

Kabilang dito ang mga bakod, daanan ng mga bisita, ilaw, at emergency exits upang matukoy at maitatag ang high-risk school campus.

Bukod pa rito, sa pambansang antas, aktibo ring inaayon ng DepEd ang mga protocol sa pagtugon kasama ang Philippine National Police (PNP), Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), Liga ng mga Barangay, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Health (DOH).

Lalo ring hihigpitan sa School Safety Campaign ang pamamahala sa mga kaso at inter-agency referral sa ilalim ng Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE) upang matiyak ang mabilis na koordinasyon sa mga lokal na tanggapan ng social welfare, pulisya, at kalusugan. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here