MANILA, Philippines – INAMIN ni PSSg. Arla Ray Pacencia, tiyahin ng 14-anyos na suspek na si alias “Nash” sa Tacloban school shooting, na minsan niyang isinama ang pamangkin sa firing range dahil nais nitong maging pulis.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros, sinabi ni Pacencia na hinahangaan siya ni Nash at hiniling nitong makapunta sa firing range.
“He wanted to be a police officer, and he was asking if I could bring him to the firing range.”
Ipinaliwanag din ni Pacencia na nakuha ng menor de edad ang kanyang 9mm Glock pistol, na nakalagay sa plastic gun box sa loob ng isang naka-lock na plastic cabinet.
“Yung standard po is yung safety vault, but it was in good faith that I believed it was safe at that time since I’m the only one staying in my house.”
“Siguro naghanap siya kung saan ko pwede matago and yun lang ang area na may lock.”
Ayon kay PBGen. Jason Capoy ng Police Regional Office 8, pumasok si Nash sa bahay ng kanyang tiyahin sa pamamagitan ng bintana, habang sinabi naman ni PCol. Noelito Getigan ng Tacloban City Police Office na puwersahan nitong binuksan ang plastic cabinet na pinaglagyan ng baril.
Sa pagdinig, sinabi ni Senator Raffy Tulfo na hindi dapat inilalantad ng mga responsableng gun owner ang mga menor de edad sa mga baril o dinadala sa firing range.
“Kung hindi mo siya isinama at hindi na siya na-expose sa ganung klaseng environment, things would have been different.”
Samantala, nanawagan si Jennelyn Badoria, ina ng isa sa mga estudyanteng nasawi sa insidente, na papanagutin ang may-ari ng baril gayundin ang mga magulang at guardian ng mga suspek.
“Lalo na yung may-ari ng baril, gusto ko pong managot… siya yung nagturo sa kaniyang pamangkin kung paano gumamit ng baril.” RNT