Home NATIONWIDE Hiwalay na kulungan sa menor na sangkot sa karumal-dumal na krimen, isinusulong...

Hiwalay na kulungan sa menor na sangkot sa karumal-dumal na krimen, isinusulong ni Tulfo

1
0

MANILA, Philippines – ISINUSULONG ni Senator Raffy Tulfo ang pag-amyenda sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act upang makapaglaan ng pondo para sa pagtatayo ng hiwalay na detention facility para sa mga Children in Conflict with the Law (CICLs) na sangkot sa heinous crimes.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women and Children nitong Miyerkules, sinabi ni Tulfo na hindi sapat na dalhin lamang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bahay Pag-Asa ang mga menor de edad na nakagawa ng mabibigat na krimen kung hindi nila nauunawaan ang bigat ng kanilang pananagutan.

“Hindi yung nakikita ng mga bata na, ‘Ah, kapag ako ay nag-commit ng crime, pupunta ako sa Bahay Pag-Asa, at pagdating doon, magba-basketball kami, may pingpong…kumakain sila sama-sama, nagtatawanan.”

“Pagdating sa gabi, nandoon sila sama-sama sa isang kwarto, mag-uusap-usap. Saan dito yung takot na maipapakita sa mga bata? They will think it’s excursion, camping. Dapat papakita natin na merong katapat na parusa ang bawat gagawin niyong kasalanan.”

Sinang-ayunan naman ni Jennylyn Badoria, ina ng isa sa mga estudyanteng nasawi sa Tacloban school shooting, ang panukala ng senador.

Iminungkahi rin ni Tulfo sa Department of Education (DepEd) na pag-aralan ang supervised programs kung saan maaaring magbahagi ng kanilang karanasan ang mga nagbagong Persons Deprived of Liberty (PDLs) bilang bahagi ng crime prevention sa mga paaralan.

Samantala, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nasa mga mambabatas ang pagpapasya sa panukala, ngunit kung ito ay maisasabatas, mas mainam aniyang pamahalaan ito ng national government.

Gayunman, sinabi ni Raymund Narag, head consultant ng Preso Foundation at associate professor, na hindi epektibo ang mga mararahas na juvenile detention center at boot camp.

“It has a brutalization effect, it makes them hard. It is not a deterrence because they do not understand it, and that makes it worse for everyone.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here