Home NATIONWIDE Police corporal, patay sa pamamaril sa Zambo Sur

Police corporal, patay sa pamamaril sa Zambo Sur

1
0

MANILA, Philippines – PATAY ang isang Police Corporal na miyembro ng 2nd Zamboanga del Sur Provincial Mobile Force Company matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek na sakay ng motorsiklo sa Barangay Tikwas, Dumalinao, Zamboanga del Sur nitong Miyerkules ng hapon.

Kinilala ni Lt. Phillip Basaya Jr., hepe ng Dumalinao Municipal Police Station, ang biktima na si Police Corporal Armaejo Unab Jornadal, 36, residente ng Barangay Kalubi, San Miguel.

Natagpuan ng mga rumespondeng pulis si Jornadal na duguang nakahandusay sa kalsada. Idineklara siyang dead on arrival ni Dr. Jovanie Vista ng Margosatubig Regional Hospital, na nagkataong napadaan sa lugar, alas-5:16 ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon, pauwi na ang biktima mula sa Pagadian City sakay ng kanyang motorsiklo nang buntutan siya ng dalawang suspek na sakay ng itim na Honda XRM 125. Pagsapit sa Purok Lapu-lapu, inunahan siya ng mga suspek at paulit-ulit na pinaputukan ng back-rider.

Matapos ang pamamaril, tinangay ng gunman ang sling bag ng biktima bago tumakas patungong Guipos kasama ang kasabwat.

Sa inspeksyon ng mga awtoridad, narekober sa compartment ng motorsiklo ng biktima ang resibo ng Armed Forces and Police Savings and Loans Association, Inc. (AFPSLAI) na may petsang Hulyo 1, na nagpapakitang kakakuha lamang niya ng cash loan bago ang insidente. Nawawala rin ang kanyang government-issued firearm na pinaniniwalaang tinangay ng mga suspek.

Narekober ng Scene of the Crime Operatives ang apat na basyo ng bala na hinihinalang mula sa 9mm pistol, habang nagpapatuloy ang pagsusuri ng mga imbestigador sa CCTV footage sa dinaanan ng mga suspek. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here