Home METRO Pasahero tumilapon sa byaheng-langit na dyip

Pasahero tumilapon sa byaheng-langit na dyip

1
0

MANILA, Philippines – NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order (SCO) laban sa driver ng isang jeepney matapos mahulog ang isang pasahero dahil sa mapanganib na pagmamaneho nito sa Aurora Boulevard, Quezon City.

Sa kumalat na video online, makikitang biglang kumabig ang jeep upang mag-overtake sa isa pang sasakyan. Dahil sa matulin na takbo at matalim na pagliko, tumilapon ang pasahero at gumulong sa kalsada.

Inatasan ng LTO ang driver at ang rehistradong may-ari o operator ng jeepney na magpaliwanag kaugnay ng insidente. Habang isinasagawa ang imbestigasyon, sinuspinde ng 90 araw ang driver’s license ng tsuper at naglabas din ng alarm laban sa naturang sasakyan.

Sangkot sa insidente ang isang “patok” jeepney, na kilala sa mas mahabang chassis at malalakas na sound system.

Ibinahagi naman ng commuter na si Marilou Castillo na mas pinipili na niyang sumakay sa e-jeepney matapos makaranas ng mga tsuper na umaandar kahit hindi pa lubusang nakakasakay ang pasahero.

“Nakahawak na ako, hindi pa nakaakyat. ‘Yung isang paa ako, nasa baba pa. Bigla siyang didiretsyo na aandar.”

Samantala, sinabi ng ilang estudyante na patuloy silang sumasakay sa mga patok jeepney dahil sa P11 pamasahe, na mas mura kaysa P15 sa bus, ngunit aminado silang nakasaksi na rin ng mga mapanganib na insidente.

“Minsan po umaandar na lang din po sila bigla nang hindi pa nakakababa ‘yung pasahero. Parang nakakahiya, nakakatakot din po.”

“Strict regulations lang po sa pag check-check sa mga highways po, sa mga kalsada para maiwasan na po yung ganung klase ng driver.” Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here