Home NATIONWIDE PBBM nagpaliwanag sa pagpili kay Angara bilang bagong DepEd Sec

PBBM nagpaliwanag sa pagpili kay Angara bilang bagong DepEd Sec

105
0

MANILA, Philippines- Pinili si Senator Sonny Angara bilang bagong Department of Education (DepEd) chief dahil naiintindihan niya ang maraming problema sa education sector, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. nitong Biyernes.

Nagbiro si Marcos, sa pamamahagi ng cash at iba pang tulong sa mga magsasaka at mangingisda mula sa Aurora, na hindi niya alam ang itatawag kay Angara — kung Senador o Education Secretary.

“Hindi ko na malaman kung paano ko siya tatawagin kung senator ba o secretary, dahil siya ang papasok sa Secretary ng Department of Education.  Dahil no’ng umalis po si Vice President Sara, eh iniisip namin kung sino ba talaga, at kagaya ng kanyang (Angara) nabanggit, eh napakaraming problema at kailangang ayusin sa Department of Education,” pahayag ni Marcos sa programa sa Baler, Aurora.

“Kaya no’ng naghahanap kami ng kapalit eh ‘ka ko, palagay ko alam ko na kung sino dapat ang ilagay d’yan na marunong, dahil marunong at masipag at nakaka-unawa sa mga problema, at nauunawaan niya kung papaano paandarin ang gobyerno para magawa lahat ng kailangang gawin,” dagdag niya.

Pinasalamatan naman ni Angara, nagpakilala kay Marcos sa mga kapwa taga-Aurora, ang Pangulo sa pagpili sa kanya.

“Salamat again Mr. President, first of all, baka makalimutan ko, thank you for appointing me secretary of education sir, medyo mabigat ang mga suliranin ng sektor na ito pero hindi po namin kayo ipapahiya.  Thank you for the trust and confidence, Mr. President, salamat po,” pahayag ni Angara.

Noong Hulyo 2, inanunsyo ng Presidential Communications Office (PCO) na itinalaga ni Marcos si Angara bilang bagong DepEd chief, na pumalit kay Vice President Duterte.

Nagbitiw si Duterte noong Hunyo 19 sa Marcos cabinet — bilang miyembro ng Marcos cabinet, Education secretary, at vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac). RNT/SA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here