Home NATIONWIDE Serbisyo ng gov’t healthcare facilities mas gusto ng mga Pinoy – sarbey

Serbisyo ng gov’t healthcare facilities mas gusto ng mga Pinoy – sarbey

MANILA, Philippines- Mas gusto ng mga Pilipinong bumili ng gamot at kumuha ng serbisyo mula sa government-owned healthcare facilities, na taliwas sa karaniwang paniniwala na mas pipiliin ng mga ito ang mga pribadong klinika bilang pangunahing opsyon para sa pangangailangang pangkalusugan.

Ito ang resulta ng survey ng Summa Strategy, isang consulting firm na naka-base sa Makati, at kinomisyon ng RiteMed Phils., Inc. Nagsagawa ng survey ang kompanya sa 3,200 Pilipino sa National Capital Region, natitirang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao.

Base sa pag-aaral na isinagawa mula Oktubre 13 hanggang Nobyembre 9, 2023, 73% ng respondents ang mas gustong makatanggap ng serbisyo mula sa government owned facilities, kumpara sa 26% na mas pipiliin ang private healthcare providers. Kabilang ang Barangay Health Centers (“BHCs”) at government-owned hospitals sa pinakaunang opsyon ng respondents na nag-avail ng serbisyo mula sa state-owned facilities, sinundan ng Municipal Healthcare Centers (“MHCs”).

Binanggit ng respondents ang libreng serbisyong natatanggap nila at “accessibility” ng mga pasilidad na ito sa kanilang tahanan.

Libreng gamot at bakuna ang mga pangunahing rason sa pagbisita sa BHCs, habang binanggit naman ang check-ups at mga konsultasyon sa mga hinihinalang sakit bilang mga rason sa pagbibita sa MHCs. Binanggit naman ng mga bumisita sa government-owned hospitals ang iba’t ibang rason tulad ng panganganak, pagpapagamot para sa karaniwang health conditions tulad ng lagnat at sipon, check up ng blood pressure, at pagpapagamot ng mga sugat. RNT/SA