Home NATIONWIDE PBBM nagsalamat sa Japan sa mabilis na tulong sa pag-apula ng sunog...

PBBM nagsalamat sa Japan sa mabilis na tulong sa pag-apula ng sunog sa Navotas landfill

66
0

MANILA, Philippines – NAGPASALAMAT si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa gobyerno ng Japan dahil sa mabilis nitong pagtulong kaugnay ng sunog sa Navotas Sanitary Landfill.

Ayon sa Pangulo, patunay ito ng matibay na ugnayan ng Pilipinas at Japan.

Sa bilateral meeting nila ni Prime Minister Sanae Takaichi sa ikatlong araw ng State Visit sa Japan, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang agarang pagpapadala ng Japan ng mga technical expert upang tumulong sa insidente.

“Pinahahalagahan din natin ang mabilis na pagpapadala ng Japan ng mga technical expert upang tumulong sa sunog sa Navotas Sanitary Landfill. Muli nitong ipinakita ang mabilis at mahalagang pagtutulungan ng ating dalawang bansa sa oras ng pangangailangan,” ang pahayag ng Pangulo.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa Summit Meeting sa Akasaka State Guest House sa Tokyo.

Ang sunog sa Navotas landfill ay tumagal ng ilang linggo at nagdulot ng pag-aalala sa mga residente dahil sa makapal at nakalalasong usok na nakaapekto maging sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Nagpadala ang Japan ng disaster relief expert team upang tumulong sa Philippine authorities sa pag-apula ng sunog at pagbibigay ng technical advice tungkol sa firefighting operations, air quality monitoring, at waste management.

Sinabi rin ni Pangulong Marcos na ilang beses nang ipinakita ng Japan ang suporta nito sa Pilipinas, lalo na sa usapin ng maritime concerns at energy security.

“Paulit-ulit nang ipinakita ng Japan ang matatag nitong suporta sa Pilipinas lalo na sa panahon ng matitinding hamon,” anito.

“Mula sa maagap nitong suporta sa usapin sa karagatan hanggang sa konkretong tulong para matugunan ang pandaigdigang problema sa enerhiya, kabilang ang tuloy-tuloy na suplay ng fuel at suporta sa ating energy needs.,” ang winika pa rin ni Pangulong Marcos

Naging makabuluhan ang apat na araw na State Visit ni Pangulong Marcos sa Japan, kabilang ang pakikipagpulong kina Emperor Naruhito at Empress Masako at ang pagtatalumpati niya sa National Diet.

Nakapag-uwi rin ang Pangulo ng humigit-kumulang US$3.4 billion na investment commitments na inaasahang lilikha ng mahigit 10,000 trabaho sa electronics, semiconductors, at shipbuilding sectors.

Kasabay din ng pagbisita ang pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng diplomatic relations ng Pilipinas at Japan.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang lumalawak na kooperasyon ng dalawang bansa sa science and technology, kabilang ang ika-10 anibersaryo ng paglulunsad ng Diwata-1 microsatellite mula sa Japanese module ng International Space Station.

“Ipinapakita nito na mas lalo pang tumataas ang antas ng ating partnership at ng ating sama-samang pagsusulong ng innovation, science, at mga industriya ng hinaharap tulad ng robotics at artificial intelligence,” ayon kay Pangulong Marcos.

Mas lalo pang pinagtibay ang ugnayan ng Pilipinas at Japan matapos itaas sa Comprehensive Strategic Partnership ang relasyon ng dalawang bansa, na inanunsyo nina Pangulong Marcos at Prime Minister Takaichi sa kanilang summit meeting. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here