MANILA, Philippines – INAPRUBAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbigay prayoridad sa mga panukalang batas na layong paunlarin ang sistema ng edukasyon at isulong ang kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral, ayon sa Malakanyang.
Ginawa ito ng Pangulo sa katatapos na pagpupulong ng ikatlong Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Palasyo.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, inaprubahan ng Pangulo ang panukalang Classroom-Building Acceleration Program Act at mga amyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act, na parehong nakatuon sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon.
“Binigyang-halaga ni Pangulong Marcos Jr. ang pagsulong sa legislative measures na naglalayon ng mas mahusay na edukasyon at masigla at malusog na mag-aaral,” sinabi ni Castro.
Isinusulong din ng Pangulo ang pagpasa ng mga amyenda sa Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act upang palawakin ang feeding programs sa mga eskwelahan at day-care centers, dagdag ni Castro.
Naniniwala si Pangulong Marcos na ang panukalang ito ay makatutulong sa matagumpay na pagpapatupad ng programang Yaman ng Kalusugan (YAKAP), isang primary care benefit package na nagbibigay ng libreng konsultasyon, laboratory tests, at gamot.
“Hangad ng Pangulo na masiguro na ang batang Pilipino ay malusog, masigla at mabigyan ng maganda at maayos na kinabukasan sa ilalim ng Bagong Pilipinas,” diin ni Castro. Kris Jose