MANILA, Philippines – MAHIGPIT na nakikipag-ugnayan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) para tiyakin ang tamang implementasyon ng panukalang P50 price cap sa bawat kilogram ng imported well-milled rice.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang rekumendasyon ng price cap ay naisumite na kasunod ng talakayan sa isinagawang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee meeting.
“Sa ngayon ay naipasa na nga itong rekomendasyon at nakikipag-coordinate ang Pangulo at ang administrasyon sa DA at sa DTI para maipatupad nang tama ang masasabing price cap sa nasabing bigas,” ayon kay Castro.
Nauna rito, inanunsyo ni Pangulong Marcos ang planong magpalabas ng isang executive order na magpapataw ng price cap bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na patatagin ang presyo ng mga basic commodities.
Ani Castro, pinag-aaralang mabuti ng administrasyon kung ang kahalintulad na subsidies o discounts ay palalawigin sa ibang rice varieties, partikular na sa locally produced rice.
“Sa ngayon wala pang napag-uusapan doon,” aniya pa rin.
Nilinaw naman ni Castro na kanya-kanyang papel ng mga ahensiya ng gobyerno sa pagtugon sa reklamo ng mga consumer ukol sa pagtaas ng presyo ng basic goods sa public markets at supermarkets.
Aniya, saklaw ng DTI ang mga groceries at supermarkets, habang ang DA naman ay may hurisdiksyon sa public markets.
Ang paliwanag ni Castro, ang pagkakaiba ng presyo ay maaaring may impluwensiya ng logistics at inventory, sabay sabing ang supermarkets ay tipikal na pinananatili ng hanggang 60 araw ang stock habang ang public markets naman ay nagre- restock sa araw-araw.
“Kung ikukumpara ang mga supply sa grocery, usually umaabot ito sa 60 days na inventory, so maaaring hindi agad magtaas. Unlike sa mga palengke na karaniwan ay kada araw bumibili ng kanilang mga supplies kaya medyo tumataas because of logistics,” ang winika ni Castro.
Hinikayat din nito ang publiko na i-report sa DA ang di umano’y pang-aabuso o hindi makatwirang pagtaas ng presyo sa mga basic goods sa public markets.
“Kapag inabuso ng mga kababayan ang pagbebenta ng basic goods diyan sa palengke, ipagbigay-alam niyo sa Department of Agriculture,” aniya pa rin. KRIS JOSE