MANILA, Philippines – Nagbigay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado, Oktubre 26 ng aabot sa P80 milyong halaga ng financial aid para sa lokal na pamahalaan ng Albay at Naga City kasunod ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Ibinigay ni Marcos ang P50 milyon kay Acting Albay Governor Glenda Ong-Bongao at P30 milyon naman kay Naga City Mayor Nelson Legacion mula sa Office of the President.
“For the immediate needs, I think we’re okay. Ang problema talaga natin dito, wala nang masyadong tubig, pero may area pa na nabaha,” ani Marcos sa situation briefing sa Naga City.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ni Secretary Rex Gatchalian, ay nagsabi rin na maghahatid ang ahensya ng 35,000 food packs sa Naga City.
“So, today (Saturday), we’re delivering 8,000, mamayang gabi (later at night) another four, so 12. And then, we’ll be finished with another—one to two days tapos na ho ‘yung buong 35 [thousand],” pahayag ni Gatchalian.
Sinabi ni Bongao na mayroong 92,000 pamilya sa probinsya ang apektado ng bagyo at nangangailangan ng makakain.
Samantala, sa kaparehong briefing ay sinabi ni Marcos na magbibigay din ang pamahalaan ng karagdagang medical manpower sa Bicol Region.
“That was the decision we made yesterday (Friday) when we had an overall meeting that DOH has to send medical teams,” ani Marcos.
Inihayag ni DOH Bicol Center for Health Development (CHD) Assistant Regional Director Rosa Maria Rempillo kasabay ng pagpupulong na marami sa mga medical facility sa lugar ang lubhang naapektuhan ng bagyong Kristine.
“We are requesting additional manpower for the Geriatric Medical Center kasi six days na pong straight ‘yung mga tao natin du’n,” ani Rempillo.
Nangako naman ang DOH Central Office na magpapadala ng karagdagang mga tauhan sa government hospitals sa Bicol, kabilang ang Naga City Hospital, habang ang Health Emergency Response Teams (HERTs) ay itinalaga para umagapay sa mga evacuation center.
“Right now, our health workers, though affected, are deployed in the different evacuation centers, serving our affected population,” sinabi ni Rempillo.
Naglaan ang DOH ng P142 milyon na tulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Idineploy din ang presidential helicopter para sa relief operations.
Nitong Sabado, ipinadala ng Philippine Air Force (PAF) ang kanilang Bell 412 presidential helicopter para maghatid ng relief supplies sa mga lugar na hinagupit ng bagyo, kasama ang PAF Black Hawk at Huey helicopters.
“This operation highlights the PAF’s commitment and readiness to utilize all available air assets for humanitarian assistance and disaster relief operations,” saad sa pahayag ng PAF. RNT/JGC