Home HOME BANNER STORY Kahit wala si Duterte, drug war probe itutuloy – Pimentel

Kahit wala si Duterte, drug war probe itutuloy – Pimentel

MANILA, Philippines – Magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee kaugnay sa war on drugs ng nakaraang administrasyon Kahit na wala si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.

“Sa dami naman ng aming imbitadong resource person at witnesses pumunta man si former president Duterte o hindi, tuloy ang hearing,” sinabi ni Pimentel sa isang panayam.

Nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang Senate blue ribbon committee bukas, Oktubre 28.

Iginiit naman ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na dadalo ito sa Senate hearing.

Ngayong linggo, tumanggi si Duterte na muling magpakita sa House Quad Committee, na nag-iimbestiga rin ng mga pagkamatay sa war on drugs, dahil umano sa hindi maganda ang kanyang pakiramdam.

Ani Pimentel, posibleng abutin ng tatlo o apat na pagdinig ang imbestigasyon ng Senado.

“Depende sa flow. Marami ako di naaaccomoodate na guest sigurado may second hearing na. Puwedeng may spillover, may loose ends [o] may gusto pa itahi, kailangan ko ng third hearing. Sa Duterte admin lang ito, maybe lagyan natin ng three hearings with reasonable time,” sinabi ni Pimentel. RNT/JGC