Home NATIONWIDE PBBM nangakong paiigtingin kaligtasan sa mga paaralan, professional development ng mga guro

PBBM nangakong paiigtingin kaligtasan sa mga paaralan, professional development ng mga guro

1
0

MANILA, Philippines – KINIKILALA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mahalagang ambag ng mga guro at nangakong titiyakin ang kaligtasan ng mga paaralan sa buong bansa.

“Kasama ang mga magulang, komunidad, at iba pang katuwang, patuloy tayong magsisikap na gawing mas ligtas at mas tumutugon sa pangangailangan ng ating mga mag-aaral at ating mga paaralan,” ang bahagi ng talumpati ng Pangulo sa pagdiriwang ng National Teachers Month sa Manila Hotel.

“Kasabay nito, patuloy nating pinapabuti ang paghahanda sa mga guro at ang kanilang propesyonal na pag-unlad sa buong panahon ng kanilang karera,” dagdag ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo, makikita ang mga hakbang na ito sa mga programa ng administrasyon, kabilang ang Teacher Education Roadmap 2035 at scholarship program para sa Teacher Education Centers of Excellence.

Ipinagmalaki ng Pangulo na ang paglulunsad ng My Teacher Education Commons (MyTEC) ay nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga guro na patuloy na matuto at mapaunlad ang kanilang kakayahan sa buong panahon ng kanilang karera.

Layunin ng administrasyon na matiyak na mas mahusay ang paghahanda sa mga guro bago sila pumasok sa silid-aralan at mabigyan sila ng makabuluhang oportunidad na patuloy na matuto habang ginagampanan ang kanilang propesyon.

“Sa pamamagitan naman ng unang TEC Teachers Awards, kinikilala ng pamahalaan ang mga gurong nagpakita ng kahusayan at dedikasyon sa patuloy na pag-unlad ng kanilang propesyon, ani Pangulong Marcos.

“Sa mga awardee: Ang pagkilalang natatanggap ninyo ngayon ay pagkilala sa inyong mga nagawa. Nawa’y maging inspirasyon ang inyong halimbawa sa iba pang mga guro. Nawa’y makatulong ang inyong karanasan sa paghubog sa susunod na henerasyon ng mga guro. Sa ating mga iskolar: Ang scholarship na natatanggap ninyo ngayon ay isang pamumuhunan sa inyong kinabukasan at sa kinabukasan ng mga batang inyong tuturuan. Sulitin ninyo ang pagkakataong ito. Mag-aral kayong mabuti. Matuto nang malalim. Maglingkod nang may malasakit,” ang litaniya ng Pangulo.

Nagpasalamat naman ang Pangulo sa mga guro sa buong bansa at kinilala rin ang mga katuwang ng pamahalaan mula sa pribadong sektor sa larangan ng teacher education dahil sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman, resources, pananaliksik at panahon.

Sinabi rin ng Pangulo sa mga guro na hindi napapansin ang kanilang pagsisikap, at binigyang-diin na babaguhin ng teknolohiya, kabilang ang artificial intelligence (AI), ang paraan ng pagkatuto ng mga bata.

Gayunman, hindi kayang palitan ng teknolohiya ang isang gurong gumagabay sa mga mag-aaral upang matukoy kung ano ang totoo, mahalaga at tama.

Ang TEC Teachers Awards 2026 ay programa ng Teacher Education Council na kumikilala sa mga indibidwal na nakatutulong sa pagpapaunlad at pagpapabuti ng teacher education sa Pilipinas.

Samantala, ang My Teacher Education Commons (MyTEC) Portal ay isang panukalang shared digital platform na binubuo ng Teacher Education Council upang suportahan ang patuloy na pagkatuto at professional development ng mga guro. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here