MANILA, Philippines – PATULOY naghahanap si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng agarang solusyon para sa mga matitinding hamon na kinaharap ng bansa ngayong linggo.
Una na rito ang ang disaster response habang isinusulong ang kapayapaan, edukasyon at innovation agenda.
Sa katunayan, sinaimulan ng Pangulo ang linggo sa pamamagitan ng pakikipagpulong sa mga miyembro ng kanyang Gabinete at iba pang ahensiya ng gobyerno sa Palasyo ng Malakanyang, para suriing mabuti ang situwasyon ng pagbaha sa Gitnang Luzon at health response sa Metro Manila.
Isinagawa ang pagpupulong habang nagsisikap ang gobyerno na tugunan ang matinding epekto ng pagbaha sa mga apektadong komunidad sa gitna ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Nauna rito, binisita ni Pangulong Marcos at nagsagawa ng day-long inspection sa mga flood-hit areas sa Tarlac, Zambales, at Pampanga upang suriing mabuti ang infrastructure damage at i-check ang paghahatid ng tulong ng gobyerno sa mga apektadong residente.
Sa Tarlac, na-isolate ang 23 sa 99 na paaralan sa Tarlac City dahil sa pagguho ng Aquino Bridge at Agana Bridge, kaya lumipat sa alternative delivery modes ang lahat ng 99 na pampublikong paaralan sa Tarlac City mula Setyembre 1 hanggang 5. Umabot sa 786 na silid-aralan sa 96 na paaralan ang nasira sa lalawigan na nangangailangan ng PHP496.24 milyong pondo.
Sa Pampanga, ininspeksyon ni Pangulong Marcos at Secretary Sonny Angara ang nasirang Sto. Cristo Dam sa Lubao. Ang lalawigan ang pinakamatinding nasalanta sa rehiyon na may 250 paaralan at 1,752 silid-aralan ang naapektuhan, kung saan kinakailangan ang PHP1.36 bilyon para sa response at recovery. Naitala rin ang pagkasira ng 5,369 learning materials, 66 na set ng IT equipment, at 6,351 upuan.
Sa Zambales, binisita nina Pangulong Marcos at Secretary Angara ang Sta. Fe National High School sa San Marcelino na inabot ng baha at buhangin, kung saan anim na silid-aralan ang lubusang nasira at anim pa ang nagtamo ng minor damage. Sa kabuuan, 21 paaralan at 82 silid-aralan ang napinsala sa lalawigan.
Makailang ulit namang binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan na maisulong kapuwa ang “immediate and long-term measures” para palakasin ang katatagan ng bansa mula sa mga matitinding kaganapan ng panahon.
Sa kabilang dako, pinangunahan din ng Pangulo ang peace process ng bansa sa pagbubukas ng 2026 National Peace Consciousness Month na may temang “Kapayapaan Pagtibayin, Kaunlaran Paightingin.”
Pinangunahan din ng Chief Executive ang 2026 Presidential Filipinnovation Awards (PFA) National Competition awarding ceremony sa Quezon City, bilang pagkilala sa limang outstanding Filipino innovations.
Tinuldukan naman ng Pangulo ang linggo sa pamamagitan ng paglagda sa batas na nag-amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA), naglalayong palawakin ang tulong ng pamahalaan para sa mga estudyante at trainees na kumukuha ng kolehiyo o technical-vocational courses.
Sinabi ni Pangulong Marcos na pinatitibay ng amyenda ang pangako ng pamahalaan na makamit ang hinaharap kung saan bawat pamilyang Pilipino ay magkakaroon ng kahit isang anak na makapagtatapos ng bachelor’s degree o technical-vocational education and training (TVET) program.
Ayon sa Pangulo, malaki ang naitulong ng libreng tuition sa pagtanggal ng pangunahing hadlang sa tertiary education, ngunit patuloy pa ring nahaharap ang mga pamilya sa gastos para sa mga libro, pamasahe, pang-araw-araw na pangangailangan at iba pang gastusin na maaaring maging dahilan upang hindi matapos ng mga estudyante at trainees ang kanilang pag-aaral.
Sinabi pa ng Pangulo na nabuksan na ng pamahalaan ang mga pintuan ng mga pampublikong kolehiyo, unibersidad at technical-vocational institutions, ngunit hindi nagtatapos doon ang responsibilidad ng gobyerno.
Pinangunahan din ng Pangulo ang pagdiriwang ng ika-58 founding anniversary ng 250th Presidential Airlift Wing (PAW) saPhilippine Air Force Multipurpose Gymnasium sa Pasay City.
At pinangunahan din ng Pangulo ang paggunita sa National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City kung saan nananawagan siya sa sambayanang filipino na tularan ang katapangan ng mga bayani ng bansa sa pamamagitan ng “keeping the flame of patriotism alive, and becoming the citizens our country needs.” KRIS JOSE