MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na inspeksiyunin ang mga lugar na binaha sa Davao City dahil sa epekto ng bagyong Kiyapo at Southwest Monsoon.
Ibinigay ni Marcos ang direktiba habang iniinspeksiyon ang People’s Ville housing project sa ilalim ng pinalawak na Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program sa Barangay Riverside, Calinan District.
“Andito si Secretary Vince Dizon at magpapaiwan siya rito. Pupuntahan niya lahat ng nabaha in the southern portion,” sinabi ni Marcos.
Ayon sa Pangulo, muling rerepasuhin ng pamahalaan ang 2023 flood control master plan na hindi umano ganap na naipatupad.
“Dahil ang problema, meron palang master plan ‘yun, 2023. For whatever reason, hindi ginawa do’n sa, ‘yung mga ibang project. Kaya babalikan natin para ‘yung master plan na para do’n ay matapos na, para hindi na tayo makakakita ng baha na kagaya ng nakita natin recently,” dagdag niya.
Matinding pagbaha ang naranasan sa ilang bahagi ng Davao City matapos ang malakas na ulan noong Biyernes ng gabi, kung saan halos umabot sa bubong ng ilang bahay ang tubig-baha.
Nagdeklara ng state of calamity ang Barangay Los Amigos sa Tugbok District matapos maapektuhan ang halos 80% ng mga residente. Binaha rin ang ilang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Bumisita si Marcos sa Davao de Oro at Davao City isang araw matapos ang kanyang ikalimang State of the Nation Address upang mamahagi ng tulong at inspeksiyunin ang mga komunidad at proyekto ng pamahalaan.
Sa pagbisita sa People’s Ville, nangako ang Pangulo na magdaragdag ng 42 gusali upang mabawasan ang kakulangan sa pabahay sa lungsod, lalo na para sa mga pamilyang mababa ang kita at informal settlers.
“Kasi ang ginagawa natin ngayon, hindi lang tayo gumagawa ng bahay, gumagawa tayo ng community na kumpleto na lahat. Dahil mahirap tirahan kung wala naman pupuntahan ‘yung mga bata, walang malapit na palengke, hindi malapit sa trabaho,” sinabi ni Marcos.
“’Yun ang mga titingnan natin, hindi lang ‘yung pagpapabayo ng bahay. We’ll be continuing, siguro lahat ito, ‘yung buo nito, matatapos by the end of next year, matatapos natin ‘yan. By the end of next year, lahat ng 42 na buildings,” dagdag niya.
Iniinspeksiyon din ni Marcos ang pinaayos na mga pasilidad ng Davao de Oro Provincial Hospital–Montevista, na napinsala ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo 8.
Nasaksihan din ng Pangulo ang paglabas ng isang pasyenteng ginamot sa ilalim ng Zero Balance Billing Program, na nagbibigay-daan sa mga kwalipikadong pasyente na makatanggap ng serbisyong medikal nang walang babayarang gastusin sa ospital. RNT