MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules ang groundbreaking ceremony ng NAIA Terminal 3 Station ng Metro Manila Subway Project (MMSP), na magiging mahalagang airport rail link ng bansa.
Sinabi ni Marcos na nananatiling prayoridad ng kanyang administrasyon ang modernisasyon ng railway system upang magkaroon ng mas mabilis, maaasahan at episyenteng pampublikong transportasyon.
Nasa humigit-kumulang 60 porsiyento na ang kabuuang progreso ng subway project, ayon sa Department of Transportation. Target din ang demonstration run sa 2028 para sa bahagi mula Valenzuela hanggang Quirino Highway Station.
Kapag ganap nang operational ang subway, inaasahang bababa sa humigit-kumulang 40 minuto ang biyahe mula Valenzuela City hanggang NAIA, mula sa kasalukuyang humigit-kumulang isang oras at kalahati.
Ang NAIA Terminal 3 Station ay kabilang sa 17 istasyon ng 33-kilometrong Metro Manila Subway at magsisilbi hindi lamang sa regular commuters kundi maging sa domestic at international air passengers at airport workers.
Target ng DOTr na maging fully operational ang buong Metro Manila Subway pagsapit ng 2031 o 2032, matapos ang kinakailangang testing at commissioning ng railway system. RNT