MANILA, Philippines – IPINAG-UTOs ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na palawakin ang internet coverage sa mga public schools, ikinalungkot na 60% lamang ang access sa connectivity.
“Sinabihan ko ang DICT, sinabi ko palawakin niyo ang internet coverage. Sa ngayon, ang eskwelahang may internet lamang ay around 60%, napakababa,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam matapos nitong bisitahin ang Epifanio Delos Santos Elementary School sa Malate, sa Maynila, araw ng Lunes, Hunyo 16 para sa pagbubukas ng klase para sa school year 2025–2026.
Tinukoy din ng Pangulo ang usapin ng kuryente bilang pangunahing hadlang para makamit ang mas malawak na digital access sa mga eskuwelahan.
“Inaayos namin ‘yan, inuuna natin yung mga underserved [areas],” aniya pa rin.
Idinagdag pa ng Pangulo na ang ‘convergence’ ng lahat ng government departments ang susi para mapahusay at maging maayos ang education infrastructure at serbisyo sa buong bansa.
Samantala, sinabi ng Department of Education (DepEd), na may 27 milyong estudyante mula preschool hanggang senior high school ang naka-enroll para sa School Year 2025–2026, kung saan tanda ng pagbabalik para sa tradisyonal na June-to-March school calendar matapos ang pansamantalang paglilipat sa panahon ng coronavirus pandemic.
Ang kasalukuyang school year ay nakatakdang magtapos sa March 31, 2026. Kris Jose