MANILA, Philippines – SINABI ng Office of the Special Assistant to the President na iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa buong pamahalaan na huwag magtipid sa relief efforts at tiyaking sapat ang pagkain at pangangailangan ng bawat apektadong komunidad.
Sa katunayan, gamit ang bilyun-bilyong probisyon sa Quick Response Funds, mabilis na naipamahagi ng pambansang gobyerno, sa pamamagitan ng DSWD at mga LGU, ang halos 193,000 family food packs, kasama ang hot meals at essential relief kits sa buong bansa.
Kaya nga, malinaw na walang iwanan sa oras ng sakuna.
“Nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang mabilis at maayos na pag-agapay sa bawat pamilyang Pilipino,” ayon sa nasabing tanggapan.
Sa kabilang dako, tuloy tuloy lang ang pagpapa- abot ng pamahalaan ng kailangang tulong para sa mga pamilyang nangangailangan ng suporta sa gitna ng epekto ng Habagat.
Sa Facebook post ng Presidential Communications Office (PCO) ay ibinahagi nito ang ginagawang hakbang ng DSWD na may kaugnayan sa pamamahagi ng tulong s apektado nating mga kababayan.
Ayon sa PCO, nasa 699.78 milyong piso ng humanitarian assistance ang naipaabot ng DSWD sa mga kinauukulan nating mga kababayan.
Kasabay nito sinabi ng PCO ay na sa 3 daan at 13 evacuation centers ang nananatiling bukas para sa 6,338 mga pamilya.
Mayroon din na 4.83 bilyong pisong relief resources ang available para suportahan ang tuloy-tuloy na paghahatid ng tulong sa mga komunidad. (KRIS JOSE)