MANILA, Philippines – PINAALALAHANAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng opisyal ng pamahalaan na ikonsidera ang pakikipaglaban ng mga naging biktima ng Severe Tropical Storm Kristine sa panahon na gusto na ng mga ito na sumuko sa mga hamon na dala ng kalamidad.
“Just remember there are people still in water right now, they are still flooded. They’re walking around in water up to their waist. They have no water supply, they have no food, they have no place to stay. So, if you think you are tired, think about what their condition is,” ayon kay Pangulong Marcos.
“So, let’s keep that always in mind,” aniya pa rin.
Inihayag ito ng Pangulo sa isinagawang situation briefing sa Palasyo ng Malakanyang ukol sa epekto ng Severe Tropical Storm Kristine dahilan ng pagkalubog sa tubig-baha ng Bicol at kalapit-lalawigan.
Bago pa ang pagtatapos ng briefing, hiniling ni Pangulong Marcos sa mga miyembro ng kanyang gabinete at opisyal ng lahat na may kaugnay na ahensiya ng pamahalaan na panatilihin siyang i-update hinggil sa epekto ng bagyo.
“And if not, actually amongst yourself, if you can solve it, let’s do it that way as quickly as possible,” ang winika ni Pangulong Marcos.
Samantala, sinabi naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian kay Pangulong Marcos na nakapagpalabas na sila ng 150,752 family food packs sa mga biktima ng bagyo kasama ang 3,231 non-food items, na may kabuuang halaga na P111,133,601.54.
Ang national stockpile ay may kabuuang 1,905,700 family food packs na nagkakahalaga ng P1,439,033,413.58. Kris Jose