Home HOME BANNER STORY PBBM sa Kamara: NFA payagang mag-angkat ng bigas

PBBM sa Kamara: NFA payagang mag-angkat ng bigas

MANILA, Philippines- Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Kongreso na ipasa ang panukalang amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL), na magbibigay pahintulot sa National Food Authority (NFA) na mag-angkat ng bigas at patatagin ang presyo.

Sa isang panayam, sinabi ni Pangulong Marcos na sa oras na payagan ang NFA na mag-angkat ng bigas, makatutulong ito hindi lamang sa mga magsasaka kundi sa pangkalahatang publiko lalo na sa consumers, dahil mapatatatag nito ang presyo ng bigas sa merkado.

Ang pag-amyenda sa RTL, ayon sa Pangulo, ay isa lamang sa mga hakbang na gagawin ng pamahalaan para mapabuti ang buhay ng mga magsasakang Pilipino sa gitna ng mga hamon sa kanilang kabuhayan.

“Kaya’t kung pagbibigyan tayo ng ating Kongreso na makapag-import na (ang NFA), makikipagsabayan na ito. Ito naman talaga ang unang (dahilan) kung bakit tinayo ang NFA,” ayon kay Pangulong Marcos.

Kamakailan ay inaprubahan ng kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang amyendahan ang RTL, sa ilalim ng House Bill 10381, na mayroong 231 affirmative votes, 3 negative votes, at 1 abstention.

Sa ilalim ng batas, “the NFA shall be allowed to – in the following order – purchase local milled rice; purchase up to a maximum of 30 percent brought in by accredited importers at cost; and as a final recourse, once all domestic sources have been exhausted, directly import rice, subject to explicit authorization from the Agriculture Secretary.”

Maliban sa pag-amyenda sa RTL, sinabi ni Pangulong Marcos na tumitingin din ang gobyerno ng weather-proof rice varieties para palakasin ang produksyon ng bansa.

Sinabi pa ng Pangulo na magbibigay ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ng makinarya sa mga magsasaka.

“Another government focus is cutting out the middlemen in agriculture to ensure higher profit for farmers,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Para sa consumers, sinabi ng Pangulo na inaayos na ang mga daungan, farm-to-market roads, at iba pang imprastraktura para maging maayos ang transportasyon hindi lamang ng bigas kundi maging sa lahat ng produkto ng mga magsasaka at mangingisda.

Aniya pa, ang value chain ng agrikultura ay naging maayos na rin sa pamamagitan ng pagpapalakas sa produksyon at pagbibigay ng makinarya, market intelligence, at technical information sa nasabing sektor.

Magbibigay din ang pamahalaan sa mga magsasaka ng fertilizers at pesticides para maitaas ang kanilang output.

“During the typhoon season, government financial assistance programs, such as the Assistance to Individuals in Crisis Situation program of the Department of Social Welfare and Development, are implemented to aid needy farmers,” dagdag na wika ng Pangulo. Kris Jose