MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. nitong Miyerkules sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na tutukan ang pagtukoy sa isolated areas upang mapabilis ang deployment at pamamahagi ng tulong sa gitna ng matinding pag-ulan at pagbaha.
Inihayag ito ni Marcos sa pakikipagpulong sa NDRRMC para sa briefer sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa sa gitna ng pananalasa ni Bagyong Carina at habagat.
“That’s what we need to see, moving focus our attention para the moment na bumaba ang tubig maging passable ang daan, makapunta na sila rescuers agad,” wika ni Marcos.
“Para mapaghandaan natin mabuti, we need to know where they are. We need to identify those areas, so that we’ll know which ones ano ‘yung hindi pa natutulungan,” dagdag niya.
Inatasan din niya ang NDRRMC na makipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development at sa Office of the Civil Defense.
Binigyang-diin ni Marcos na hindi lamang dapat magbigay ng tulong ang NDRRMC sa evacuees sa loob ng evacuation centers kundi maging sa mga nasa labas nito.
Nagdulot ng malakas na ulan at pagbaha ang bagyo at “habagat” dahilan upang saraduhan ang ilang kalsada sa Metro Manila, at maantala ang daloy ng trapiko at emergency response. RNT/SA